Nakumpleto na ang mga huling duo para sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” kung saan apat sa mga ito ang aabante para sa inaabangang Big Night.

Sa episode nitong Sabado, isinapinal na ng mga natitirang housemate kung sino ang kanilang magiging huling partner.

Pinili ni Mika Salamanca si Brent Manalo, na sinabi niyang may malaking parte sa kaniyang paglago at paglalakbay sa loob ng Bahay ni Kuya.

Pinili naman ni AZ Martinez si River Joseph, na inilarawan niyang "hero" at "light" sa housemates.

Ipinares naman sina Charlie Fleming at Esnyr sa pamamagitan ng default. Gayunman, sinabi ni Charlie na pipiliin pa rin niya si Esnyr ano man ang mangyari.

Naganap ang pagbuo ng mga duo noong mga nakaraang gabi. Si Ralph De Leon ang naunang pumili ng kaniyang final partner, na si Will Ashley.

Sinundan siya ni Shuvee Etrata, na pinili si Klarisse De Guzman, at Dustin Yu, na pinili si Bianca De Vera.

Apat na duos, sa halip na apat na indibiduwal, ang aabante sa Big Night, na inanunsyong gaganapin sa Hulyo 5.

Sa Lunes naman, inaasahan din ang face-to-face nomination ng huling anim na duo.

Bago dumating ang Big Night, apat na house guests pa ang inaasahang papasok sa Bahay ni Kuya.

Narito ang kabuuang listahan ng final duos:

  • Ralph De Leon at Will Ashley
  • Shuvee Etrata at Klarisse De Guzman
  • Dustin Yu at Bianca De Vera
  • Mika Salamanca at Brent Manalo
  • AZ Martinez at River Joseph
  • Charlie Fleming at Esnyr

Napanonood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,"  sa GMA Network ng weeknights ng 10:05 p.m. at weekends ng 6:15 p.m.  —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News