Masayang binalikan ni Marvin Agustin ang kaniyang alaala noong naging waiter at all-around staff siya sa isang restaurant na nagturo sa kaniya na mahalin ang kahit na anong klaseng trabaho.
Sa Instagram, sinariwa ng aktor at restaurateur ang panahon na nagtrabaho siya sa Tia Maria restaurant noong 1995.
Ayon kay Marvin, tinanggap siya sa restaurant upang magtrabaho bilang waiter. Pero nang panahon iyon na hindi pa kagandahan ang kinikita ng restaurant, nagingall-around staff siya.
“Dito ako natuto respetuhin at mahalin ang kahit na anong klaseng trabaho,” saad niya.
“I remember in a day ikot ang mga responsibilidad namin. Waiter, bartender, kitchen help, cashier, minsan [security guard] or janitor, local store marketing. LAHAT!” kuwento ng aktor.
Sa kabila nito, sinabi ni Marvin na nakatulong sa kaniya ang naturang karanasan upang ihanda siya sa hinaharap.
“Ang sarap pagdaanan at kuhanan ng leksyon ang mga panahon na susubukin ka ng buhay,” ani Marvin.
“Kaya laban lang nang laban. Walang makakatalo sa taong ayaw magpatalo,” dagdag niya.
Sa kaniya sa kaniya sa “Fast Talk with Boy Abunda” noong 2023, ikinuwento ni Marvin na tinanggihan pa niya noon una nang may mag-alok sa kaniyang mag-artista habang nagtatrabaho sa Tia Maria dahil gusto niya ang ginagawa niya bilang waiter.
"Noong nadi-discover ako para maging artista, ang kapal ng mukha ko, nagno-no ako," natatawag niyang kuwento.
"Kasi masayang-masaya ako, nagwe-waiter no'n, pag-aaralin ako sa umaga tapos magtatrabaho sa Tia Maria sa gabi. Tapos ang gusto ko no'n, maging manager ng restaurant,” patuloy niya.
Ngayon, bukod sa pagiging aktor, natulad ni Marvin ang pangarap na bumalik sa pagre-restaurant. Ngunit hindi na bilang waiter kung hindi may-ari gaya ng Cochi, Kondwi, at Mr. Monk Dimsum & Roast. —mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News

