Inihayag ni Aiko Melendez na matagal na silang nagkaayos ng kaniyang kaibigan na nakatampuhan niya na si Candy Pangilinan. 

Sa episodeng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, sinabi ni Aiko na nangyari ang kanilang pag-uusap nang magkita sila sa isang lugar.

“Actually, matagal na kaming OK. One year. We just opted to keep it quiet,” ani Aiko. 

“It happened in San Juan and we were both there. Hindi pa kami nagkikita, first time namin ni Candy na magkita doon and then we were expecting na parang drama, iyakan, but when I saw here I just said ‘hi.’ Parang walang nangyari, hindi pinag-usapan kung anong ugat,” kuwento pa ng aktres.

Sinabi ni Aiko na masakit sa kaniya ang naging hidwaan nila ni Candy na kaibigan niya.

“Masakit ‘yon para sa inyong pareho lalo na apat kami. We call our group The Power Four,” patungkol niya sa kanilang grupo na kasama ang magkapatid na Gelli at Janice De Belen.

Nakaramdam din daw si Aiko na naiwanan siya ng kaniyang mga kaibigan sa 2024 movie na “Roadtrip.”

“Supposedly and originally, I was part of that movie pero watching it sabi ko ‘ay parang ako ‘yung naiwan,’” ani Aiko.

Nang mapanood ng mga tao ang pelikula, may mga nag-tag sa kaniya at nagtatanong kung bakit hindi siya kasama. Ito umano ang panahon na nagpasya sila ni Candy na dapat ipaalam na nila sa mga tao na maayos na muli ang relasyon nila.

“So para just to put an end to it, nagsalita na kami na OK na kami,” ani Aiko, na hindi na binanggit ang dahilan ng kanilang hidwaan ni Candy.— mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News