Pumanaw na sa edad na 84 ang veteran television director na si Fritz Ynfante.
Kinumpirma ngayong Martes sa GMA News Online ng kaanak na si Peachy Ynfante Talanay, ang malungkot na balita tungkol kay direk Fritz.
Pumanaw ang director noong Lunes ng umaga pero hindi pa batid kung ano ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Ayon kay Ynfante, pamangkin ni direk Fritz, ipagdiriwang sana ng kaniyang tiyuhin ang ika-85 na kaarawan nito sa August 4.
Mas nakilala si direk Fritz sa kaniyang pagdidirek ng mga TV shows. Kabilang dito ang musical-variety show na "Penthouse Live," na naging hosts sina Martin Nievera at Pops Fernandez. Ipinalabas ito sa GMA Network noong 1980s.
Bukod sa pagiging direktor, isa ring aktor si direk Fritz na napanood sa mga pelikulang “Jose Rizal” ng GMA Pictures film noong 1998, "Gumising ka... Maruja" (1978), "Mananayaw" (1978), at iba pa.
Naging consultant din siya noon para sa Binibining Pilipinas Charities Inc.
Sa Instagram, nagbigay ng tribute si Martin kay direk Fritz, at nag-post siya ng larawan nilang dalawa na magkasama.
"He gave me my first pair of wings as a TV host on a television show called 'Penthouse Live' and was a true believer of the Pops and Martin team. He always trusted us with his direction and his gazillion changes on every script," saad ni Martin.
Inihayag din ni Martin na kabilang din si direk Fritz sa mga tumulong upang maging concert queen si Pops.
"Tito Fritz I will forever be grateful. I will miss you. Thank you for all you did not just for me, but for all of us whose careers you scolded and molded until each of our dreams came true. I love you!," saad pa ni Martin.
—FRJ, GMA Integrated News

