Tatlong taon na sa kanilang relasyon, going strong ang Kapuso couple na sina Lexi Gonzales at Gil Cuerva. Napag-uusapan na kaya nila ang kasal?

“I think we're far. We're far from marriage and all. Although, we want our relationship to go somewhere, definitely. But I think we're just at a place right now where hindi pa namin kaya,” sabi ni Lexi sa guesting nila ni Kristoffer Martin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Sinabi rin ng aktres na mahalaga ang pakikisama at komunikasyon sa isa’t isa.

“At saka, we adjust every time with each other kasi nagbabago talaga ang buhay. Constant communication lang na ‘Alam mo, I need you to be like this ngayon kasi I'm at this point in my life.’ Kasi ganoon din siya. Palitan lang kami ng energy,” ayon pa kay Lexi.

Naniniwala si Lexi na posible ang pagiging faithful sa isang partner sa kabila ng mga hamon sa industriya ng showbiz.

“Loyalty. Kasi ‘yun ‘yun eh. I mean, when you have loyalty and you know na this person is really important to me and I wouldn't do anything that would hurt them, then wala kang gagawin anything to hurt them,” anang Sparkle star.

Ngunit sa kaso nina Lexi at Gil, pareho nilang nauunawaan ang isa’t isa kapag nagkakaroon sila ng leading man o leading lady.

“Kasi it's hard when the partner is not in showbiz too. Para sa akin, si Gil kasi marami na siyang naging leading ladies and kissing scenes and all. He understands, and I understand him kasi we both know how it is,” saad niya.

Napanonood sina Lexi at Kristoffer sa Kapuso family drama series na “Cruz vs. Cruz” ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ, GMA Integrated News