Inihayag ni Kristoffer Martin na mas nakabuti sa kanila ng asawang si AC Banzon na hindi nila ipinilit ang nauna nilang planong magpakasal na ibang mga tao ang nasa isip nila. At sa kabila ng mga hamon sa showbiz, kaya rind aw niyang maging loyal sa kaniyang maybahay.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ni Kristoffer na matagal na silang nagpaplano noon ni AC na magpakasal ngunit hindi ito natuloy.
“Before kami ikasal, engaged na kami before. Tapos plano-plano kami ng ganiyan, nag-a-away na kami kasi ‘di kami makagawa ng… ‘Paano tayo ikakasal? Sino mga invites natin?’ Tapos may nangyari ng gitna sa amin, nawala kami,” kuwento ni Kristoffer.
Ngunit nang magkabalikan, mas napagtanto nina Kristoffer at AC ang mas malalim na kahulugan ng kasal.
“Tapos nu’ng bumalik na, swabe na, Tito Boy. Hindi kami nag-engrandeng kasal, ‘Tara pakasal tayo bukas.’ Like, ganu’n ‘yung usapan namin dalawa. Mas naging sincere siya tapos ‘yung invites namin, family, close friends lang, mas solemn ‘yung nangyari. So, mas naramdaman naming ikinasal kami,” kuwento niya.
Ayon kay Kristoffer, mas mahalaga sa kanila ni AC na pareho nilang ninanais na magpakasal at hindi dahil sa ibang tao.
“Kasi before, ‘pag [nagpaplano] kami, kailangan may invites na ganito, ganito, ganito. Kumbaga ‘yung iniisip namin before, kinakasal kami para sa tao. Pero nu’ng kinasal kami ng time namin, hindi namin pinilit, ‘Ah, kinasal tayo kasi gusto natin,” paliwanag niya.
Ayon kay Kristoffer, kaya niyang magpaka-loyal kay AC sa kabila ng mga hamon sa showbiz.
“Ngayon, masasabi ko, Ah, kaya ko. Kasi ang [mindset] ko ngayon, takot ako kay Lord, lalo na ngayon. ‘Yung pagiging loyal ko sa asawa ko is sa kaniya na and kay Lord. Nase-segregate ko na ‘yung work sa relationship namin sa asawa ko,” saad niya.
Kinasal sina Kristoffer at AC noong 2022 sa isang civil ceremony. Mayroon silang anak na si Precious Christine.
Napanonood si Kristoffer sa Kapuso family drama series na “Cruz vs. Cruz” ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ, GMA Integrated News
