Ang kaligtasan pa rin ng mga tao ang nasa isip ni GMA Integrated News reporter Bernadette Reyes sa kabila ng mga puna ng ilang netizens sa ginagawa niyang paghahatid ng mga balita tungkol sa pag-ulan at pagbaha na nararanasan sa bansa.
Sa Facebook, ibinahagi ni Bernadette ang screenshots ng komento ng ilang netizens tungkol sa kaniyang hitsura at boses sa typhoon coverage.
“It takes a brave spirit to weather the storm but it takes an even bigger heart to wish others well kahit minumura at nilalait na ang buong pagkatao,” saad niya sa post.
“Maaring hindi ako maganda sa panlabas sa inyong paningin pero hindi nyo ito kayang sabihin if only you know the kind of person that I am,” dagdag pa niya.
BASAHIH: Following viral reports, Nico Waje says, 'There are so many of us working hard behind the scenes'
Kasunod nito ay nagbigay ng mensahe si Bernadette sa netizens na nagpapakalat ng kaniyang memes at nag-e-edit ng larawan at caption para malabasin siyang masama at gawing katatawanan.
"Hangad ko pa rin ang kaligtasan niyo at nawa ay ligtas at nasa maayos kayong kalagayan," saad ng GMA News reporter.
“Sa mga patuloy na nagcocomment, nag memessage para magpakita ng pagsuporta, please know that i really appreciate each and everyone,” patuloy niya.
Ayon pa kay Bernadette, “[Twenty] years and counting... patuloy na mag lilingkod sa bayan. uulit-ulitin para sa bayan.”
"Life is beautiful too. I choose to see beauty,” sabi pa niya sa post.
-- mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

