Sa pamamagitan ng social media post, ipinaalam ng dating child star na si Isabelle de Leon, na nakilala sa kaniyang role bilang si “Duday,” ang plano niya na manirahan na nang tuluyan sa Amerika.
Sa isa niyang Instagram post, ipinaalam ni Isabelle, na napanood sa ilang GMA show gaya ng “Mulawin” at “Daddy Di Do Du,” na ibinebenta niya ang kaniyang mga gamit, gaya ng mga damit, bag, accessories, sapatos at iba pa.
“Please SHARE THIS POST! AUGUST 6-20, 2025 SALE. MOVING TO THE USA FOR GOOD, IM SELLING ALL MY CLOTHES S-XS-M,” saad niya sa caption.
“1k for 10 pcs of clothes, pag bumili ka ng worth 3k (30 pcs of clothes) may libre kang worth 1k (10 pcs of clothes, shoes and bags) EVERYTHING MUST GO,” saad pa niya.
Ayon pa sa aktres, “Limited Time Only, Di ko sure kung kailan ang next na uwi ko po sa pinas.
kaya EVERYTHING MUST GO.”
Sa comment section, sinagot ni Isabelle ang mensahe ng isang follower na bumati sa kaniyang planong manirahan sa US, pero may pangamba sa sitwasyon ngayon doon kaya iminungkahi sa kaniya na ipagpaliban ang paglipat sa susunod na taon.
Gayunman, inihayag ng aktres na apat na taon na rin siyang nasa Amerika kaya huli na para ipagpaliban pa niya ang kaniyang plano.
“It is chaotic right now but too late ive been here 4 years now,” anang aktres.
Sa hiwalay na post, ipinakita ni Isabelle ang kaniyang pag-host doon ng Miss World America.
Sumali si Isabelle sa Miss World Philippines noong 2019, at nanalong Miss Multinational Philippines.--FRJ GMA Integrated News

