Todo-kilig at hiyawan ang Pinoy fans matapos nilang maka-bonding ang Crash Landing on You star na si Hyun Bin sa kaniyang kauna-unahang fan meet and greet sa bansa.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing game na sinakyan ni Hyun Bin ang iba't ibang pakulo na inihanda ng kaniyang fans, tulad ng “Have Been or Haven't Been” kung saan tinanong siya kung nakapagtago siya ng prop bilang souvenir mula sa kaniyang mga naging project.
Tila may collective answer ang fans ngunit nang sagutin ito ni Hyun Bin, mas lalo silang kinilig.
"Son Ye Jin, my wife,” sagot ni Hyun Bin.
Tinanong din siya kung lumabas na siya in public na naka-disguise.
“I once went out having special makeover, a disguise. So we actually had a shoot for the movie. I was disguised as an old man so nobody realized that it was me,” kuwento niya.
Ilang maswerteng fans ang naka-call si Hyun Bin sa larong Crash Call with Bin, at nagkaroon pa ang iba ng chance na malapitan ang oppa.
Ipinamalas din ni Hyun Bin ang pagsasalita niya ng wikang Pilipino.
Nagpasalamat ang South Korean star sa kaniyang Pinoy fans sa mainit na pagtanggap, lalo na at unang bisita niya ito sa Pilipinas.
“I'm so thankful to receive so much energy from each and every one of you tonight and I hope today you guys made wonderful memories with me,” mensahe niya sa Pinoy fans. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
