Inihayag ng Kapuso actress na si Liezel Lopez na in a relationship siya ngayon at non-showbiz ang kaniyang nobyo.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinabi ng aktres na very private person ang kaniyang nobyo kaya hindi niya babanggitin kung sino ito.

BASAHIN: Liezel Lopez sa mga cheater: 'Kung ayaw niyo [na], iwanan niyo na lang'

Nang tungunin si Liezel kung may advantage ba na hindi taga-showbiz ang karelasyon, sabi ng aktres, “‘Yun nga po, ‘yung privacy and I think magkaiba din kami ng mundo na ginagalawan.”

Sang-ayon din si Liezel na mahalaga na kung hindi taga-showbiz ang partner ay dapat nauuwaan at yayakapin din nito ang mundo na kaniyang ginagalawan para magtagumpay ang kanilang relasyon.

Inihayag din niya na mahalaga para sa kaniya na good provider at ready to commit at bumuo ng pamilya ang karelasyon.

Sa “Fast Talk” segment, tinanong si Liezel kung sino ang nagpapakilig sa kaniya ngayon, sagot niya, “‘Yung mahal ko.”

Kabilang ngayon si Liezel sa Kapuso primetime series na “Sanggang Dikit FR,” na pinagbibidahan ng mag-asawang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo. — mula sa ulat ni Carby Basina/FRJ GMA Integrated News