Halos maging emosyonal si Buboy Villar nang balikan niya ang masakit na nakaraan sa kaniyang pamilya dahil sa inasal noon ng kaniyang ama sa tuwing iaaway nito ang kaniyang ina.
“Hindi naman din po ako lumaki sa perfect na family. Nakikita ko si mama at papa ko kasi wild din talaga 'yung pag-aaway nila. As in, to the point na talagang pisikalan,” paglalahad ni Buboy sa vodcast na “Your Honor.”
Ayon kay Buboy, inakala tuloy nilang magkakapatid na normal lang ang palaging pag-aaway ng mga magulang.
Hanggang sa isang araw, hindi na nakatiis si Buboy sa asal ng kaniyang tatay noong nag-aaway sila ng kaniyang nanay.
“Hindi ko namamalayan noong bata ako, one time may nangyari po talaga. Nag-away sila ni mama at papa. Sumigaw ako. Sinusumpa ko 'yung tatay ko,” sabi niya.
Hindi na idinetalye pa ni Buboy ang insidente noon, ngunit sinabing labis siyang nasaktan.
“Nasaktan ako kasi mama's boy ako. Mahal ko 'yung nanay ko. Sinumpa ko 'yung tatay ko.
Sinumpa ko siya na ‘pag lumaki ako…” sabi ni Buboy, na tila hindi na natapos ang sasabihin dahil sa labis na emosyon at kinailangan niyang pakalmahin ang sarili.
Tumulong din ang co-host niya na si Chariz Solomon at guest nilang si Candy Pangilinan para pakalmahin si Buboy.
“To the point po talaga, inaawat siya nu'ng kapatid ko eh… Tama po 'yung sinasabi po niyo na parang nag-evolve po siya,” sabi ni Buboy kay Candy.
Hindi raw nakapagpigil si Buboy noon at sinigawan na niya ang kaniyang ama.
“Na, shucks, nasigawan ko 'yung tatay ko. Ano 'yung pinanggalingan? Ba't ko siya sinigawan? Dahil po ba sa nakikita ko? Nasaktan ako para kay mama?,” patuloy niya.
Kalaunan, napagnilayan ni Buboy na mahal pa rin niya ang kaniyang ama at hindi niya ito maaaring itakwil.
“Pero, thank God, gusto kong magpasalamat sa Diyos. Kasi po, nu'ng nangyari po sa akin ‘yun, sinabi ko na galit ako sa kaniya. Pero hindi ko talaga sinasabi na sinusumpa ko siya, kasi mahal ko pa rin tatay ko eh,” ani Buboy.
“Pumunta pa ako ng Mars o Pluto o Mercury man ‘yan, tatay ko pa rin siya eh,” dagdag pa ng aktor.
Ngayong tatay na rin, sinabi ni Buboy na mas naunawan pa niya ang ama.
“At dadating 'yung panahon, like ngayon po, nangyari po sa akin, naging tatay din po ako. Imbes na mas magalit ako sa kaniya, mas inunawa ko na lang siya,” saad niya.—FRJ GMA Integrated News
