Hindi napigilang maging emosyonal ng “The Clash” 2025 winner na si Jong Madaliday matapos mapanood ang madamdaming mensahe ng kaniyang ina para sa kaniya.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinabi ng singer mula sa North Cotabato na ang kaniyang ina ang nagkumbinsi sa kaniya na muling sumali sa singing competition sa GMA.
“Sabi niya sa ‘kin, ‘Sumali ka na. OK lang, matalo ka man o [manalo], OK lang ‘yan. Gusto kitang makita sa TV,’” kuwento ni Jong tungkol sa sinabi sa kaniya ng kaniyang ina.
Pag-amin niya, wala na siyang intension na muling sumali dahil sa pagdududa niya sa sarili.
“Parang hindi ko na talaga kayang bumirit, para sa sarili ko, kasi ang dami kong doubts sa sarili ko na parang ‘di ko na kaya talaga,” sabi niya.
Unang lumaban si Jong sa Season 1 ng “The Clash” noong 2018 at nagwagi bilang runner-up.
Sinunod niya ang mungkahi ng kaniyang ina na sumali muli at siya na ang nagkampeon ngayong taon.
Sa program ani Tito Boy, sinorpresa si Jong ng isang video message mula sa kaniyang inang si Sandra Madaliday, upang batiin siya sa kaniyang tagumpay, at ipahayag ang pagmamahal niya sa anak.
Habang naluluha, pinasalamatan ni Jong ang kaniyang ina, at inalala kung paano siya sinuportahan nito noong dumadaan siya sa pagsubok.
“Thank you kasi nawala kasi ako noong 20, Tito Boy, na parang wala na talaga akong pag-asa, nawala ako sa lahat-lahat. Siya lang ‘yung nagtiwala talaga sa ‘kin. ‘OK lang ‘yan. Kaya mo ‘yan,’” sabi ni Jong, na idinagdag na labis niyang mahal ang kaniyang ina.
“Siya ‘yung kumbaga kinakapitan ko sa lahat,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News
