Dahil sa inaasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng kaguluhan sa Middle East, inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikinukonsidera nito ang pagpapatupad ng provisional fare increase sa mga public transportation kapag umabot sa P60 per liter ang diesel.
Sa ulat ni Joseph Morong sa Super Radyo dzBB ngayong Martes, sinabi ni LTFRB chairperson Vigor Mendoza II, na maaaring desisyonan nila ang mga petisyon tungkol sa fare adjustments sa mga public utility buses at jeepneys kapag labis na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Bago nito, inihayag ng isang opisyal sa Department of Energy na maaaring umabot sa P7 hanggang P10 per liter ang madagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo kapag nagpatuloy ang pagtaas ng krudo sa world market dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Sa petisyon ng transport groups, humihiling ng P2 increase sa minimum fare ang mga bus at jeepney. Samantala, humihiling naman ang transport network vehicle services (TNVS) ng P20 increase sa kanilang flag-down rate.
Habang ang mga provincial bus operators, nais ng dagdag na P0.50 per kilometer, samantalang humihingi naman ng mga point-to-point (P2P) buses ng 30% hanggang 40% na fare hike.
Samantala, naghahanda naman ang Department of Transportation (DOTr) sa posibilidad na magbigay ng fuel subsidies sa mga PUV drivers at operators kung labis na tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng krudo sa world market.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang hakbang ay bilang tugon sa kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.’s na maghanda upang tulungan ang mga tsuper at operators na maapektuhan ng fuel price hike.
Naglaan umano ang pamahalaan ng P2.5 bilyong pondo para sa fuel subsidies upang hindi na rin umano kailanganin na ipasa sa mga pasahero sa pamamagitan ng dagdag na singil sa pamasahe ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo. -- Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News

