Kinagiliwan ng netizens ang comedy skit sa wedding reception nina Kim Molina at Jerald Napoles, dahil sa “kalituhan” nang lumabas sina Alden Richards, Gerald Anderson, at Kuya Kim Atienza.
Sa kaniyang Facebook account, ibinahagi ni Kim ang video ng pagpapakilala sa kanila ni Jerald bilang mga bagong kasal, na nilagyan ng comedy skit.
Nang unang tawagin ng mga host sina Kim at Jerald, pinatugtog ang kantang “God Gave Me You” ni Bryan White at si Alden ang naging kasama ni Kim, na nagpatawa sa mga guest.
Sa pangalawang tawag ng kina Kim at Jerald, hindi pa rin si Jerald Napoles ang nagpakita, kundi si Gerald Anderson, kaya muling natawa ang mga panauhin.
Sa pangatlong tawag nina Kim at Jerald, si Jerald na ang nagpakita, pero sa halip na ang asawang si Kim, si Kuya Kim Atienza naman ang kaniyang partner.
Sa pang-apat na tawag, doon lang tumama na sina Kim at Jerald na ang lumabas, na nagpakilig nang sumayaw sila sa kantang “Can’t Take My Eyes Off You.”
“Nalito lang kasi kami… ” caption ni Kim.
Ikinasal sina Kim at Jerald sa Amorita Resort sa Bohol.
Bukod kina Alden, Gerald, at Kuya Kim, dumalo rin sina Barbie Forteza, Kristoffer Martin, at Yassi Pressman.
--Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

