Maaari umangat ang presyo ng gasolina ng hanggang P10 kada litro sa mga susunod na linggo dahil sa kaguluhan sa Middle East bunga ng sigalot ng Amerika-Israel laban sa Iran, na nakaaapekto sa pandaigdigang kalakalan ng langis, ayon sa Department of Energy - Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB).

“Kapag umabot po ng USD20 [ang increase per barrel], hindi na. Magkakaroon pa tayo ng probably P7 to P10 per liter na magiging increase,” sabi ni DOE-OIMB director Rino Abad sa panayam sa GMA News Unang Balita nitong Martes.

“So far ngayon, ang estimate po natin, may umi-increase na first day of trading ng P5 to P10 per liter ang impact ng first trading pa lang na adjustment nung MOPS price,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Abad na nakikipag-ugnayan na ang DOE sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) tungkol sa posibleng paglalabas ng mga subsidiya sa gasolina.

Maaaring magkaroon ng mga subsidiya sa gasolina kung ang krudo sa Dubai ay aabot sa average na hindi bababa sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.

Iniulat ng Reuters na tumaas ng hanggang 13% sa $82.37 kada bariles ang Brent crude futures na LCOc1, na pinakamataas mula noong Enero 2025, bago umabot sa $4.87, o 6.7%, sa $77.74 kada bariles.

Tumaas ang presyo ng langis at gas nitong Lunes kasunod ng mga pag-atake ng Israel at U.S. sa Iran at pagganti ng Tehran, ayon sa Reuters.

Dahil sa mga tensiyong ito, nagsara ang operasyon sa  mga pasilidad ng langis at gas sa buong rehiyon at natigil din ang pagbiyahe sa Strait of Hormuz na kontralado ng Iran, dagdag nito. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News