Itinanghal na kampeon si Jessica Sanchez ng Season 20 ng “America’s Got Talent.”

Inanunsyo ang nagwagi sa huling yugto ng kompetisyon nitong Setyembre 25, oras sa Pilipinas.

Sa gabi ng finals, kinanta ni Jessica, na nagdadalantao, ang kaniyang bersiyon ng “Golden Hour” ni JVKE, na sinamahan ng pagtatanghal mula sa aerial acrobatics duo na Sirca Marea.

Matapos ang kaniyang performance, pinasalamatan ni Jessica ang Sirca Marea, na kapwa niya mga contestant.

“I feel like they made the song come alive. I mean, they are just so amazing, aren’t they?” anang Filipina singer.

Matatandaang bumalik si Jessica sa talent show noong Hulyo, kung saan kinanta niya ang "Beautiful Things" ni Benson Boone at nakakuha ng golden buzzer mula kay Sofia Vergara.

Unang sumali si Jessica sa "America's Got Talent" noong 10-anyos lamang siya at umabot sa semi-finals. Sumikat siya bilang runner-up sa "American Idol" Season 11.

Kamakailan, inilabas niya ang single na "Two Lines" tungkol sa kaniyang pagbubuntis.

—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News