Viral sa social media ang isang rider na nag-counterflow at halos naipit sa pagitan ng isang tanker truck at sports utility vehicle. Pero hindi lang ang rider ang inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng show cause order at posibleng masuspinde ang driver’s license kung hindi maging ang driver ng SUV. Alamin kung bakit.
Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Huwebes, makikita sa viral video ang rider na wala na sa kaniyang linya at nasa gilid ng tanker truck matapos mag-counterflow.
Hanggang sa dumating ang SUV na nasa kabilang linya at nagtuloy-tuloy ang arangkada hanggang sa magitgit at maipit na ang motorsiklo sa pagitan ng SUV at truck.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, parehong may pananagutan sa naturang mapanganib na insidente ang rider at ang driver ng SUV.
“Kitang kita kasi dito, may mali ‘yung motor dahil nag-counterflow siya. May kakaharapin siya, pero mali din naman ‘yung [SUV] driver. Alam niyang may mali ‘yung motor, gigitgitin niya para masaktan ‘yung motor,” paliwanag ng opisyal. “Alam mo ‘yung power mo as SUV gigitgitin mo para masaktan mo ‘yung driver. Wala siyang karapatan dun eh.”
Natukoy na umano ng LTO ang pagkakakilanlan ng mga nakarehistrong may-ari ng mga sasakyan na pinadalhan na ng show cause order upang paharapin sa imbestigasyon ang driver ng SUV at rider ng motorsiklo.
Kailangan umanong ipaliwanag ng dalawa kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at kung bakit sila dapat suspindehin o bawiin ang kanilang lisensiya.
Kasama umano sa utos ng LTO sa dalawa na isuko ang kanilang mga lisensiya na papatawan ng 90 araw suspensiyon habang dinidinig ang naturang usapin. Inilagay din sa “alarma” ang kani-kanilang sasakyan.
Kung sakaling makaranas ng katulad na insidente o may makitang lumalabag sa batas-trapiko, payo ni Lacanilao, i-report sa mga awtoridad o kuhanan ng video o larawan. —FRJ GMA Integrated News
