Kinumpirma ni Priscilla Meirelles na napawalang-bisa na ang kasal nila ng aktor na si John Estrada.

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk With Boy Abunda," nitong Biyernes, kinumpirma ng Brazilian beauty queen kay Tito Boy na naghain siya ng diborsyo sa Brazil noong 2024.

“So officially today as we talk, you are divorced?” tanong ni Tito Boy kay Priscilla.

“Oh yeah. He has been informed last year, that's why he gave an interview saying that he would remarry me,” tugon niya.

Ayon sa Miss Earth 2004, pumunta siya sa Brazil noong 2024 para maghain ng diborsyo. Ito ay bago ang kaniyang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" isang taon na ang lumipas noong Pebrero 2025, kung saan nilinaw niya kay Tito Boy na legal pa rin silang mag-asawa ni John.

“We are no longer married, which means bilang isang foreigner may karapatan ako to divorce my husband, so last year I went to Brazil and started the process of divorcing him. Actually, not last year, 2024, bago ako mag-guest dito [in 2025], I already went to Brazil and I didn’t announce to anyone kasi ayaw kong magsalita ng mga bagay na hindi pa napapatunayan,” pagbabahagi ni Priscilla nitong Biyernes.

“I wanted to be ready so when I open my mouth, it’s a fact. So I went to Brazil, I process the papers I needed to process. I left a power of attorney to my lawyer to apply for divorce,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Priscilla nagdesisyon siyang idiborsyo si John matapos ang 14 taon dahil hindi na niya nakikita ang sarili na ibinabahagi ang kaniyang buhay na kasama si John.

“For me, the marriage is no longer valid, I don’t see myself sharing a life with that person anymore. I fought for 14 years and I got to the point where hindi ko na kaya and I realized after a lot of things that happened, the best thing for me is to really move forward mag-isa."

Ayon kay Priscilla, hindi masaya si John sa paghahain niya ng diborsyo, kaya kailangan niyang ipaliwanag ito sa aktor kung bakit niya ito nagawa.

“He was not happy. The first sentence he said was ‘Pri, bakit ginawa mo ‘yan?’” sabi niya.

“And sinabi ko sa kaniya, because as I’ve told you, I don’t see myself sharing a life with you anymore, and I don’t think there’s a reason to stay married to you if I don’t see myself with you as my partner, as my companion. I don’t see a future with you.”

Umugong ang mga usapin ng kanilang hiwalayan noong Hulyo 2024 nang mag-iwan ang beauty queen ng isang komento sa post ng kaniyang asawa sa Boracay.

"Looking very divorced, Mr. Estrada @Lily Hallman_," komento ng Miss Earth 2004.

Nagkomento rin si Priscilla gamit ang parehong username nang isang netizen ang nagtanong kung sino ang kasama ng aktor nang pumunta ito sa Boracay.

Kasunod nito, naglabas ng pahayag si John, na "mutually agreed to take a break" sila ni Priscilla.

Ipinagtanggol din niya si Lily Hallman, na sinabi niyang nakilala niya lamang sa Boracay, at idinagdag na wala siyang relasyon dito o sa sino pa mang babae.

Binatikos din ni John ang mga nagpapakalat ng fake news na mga umano'y gumagawa ng mga pahayag gamit ang kaniyang pangalan pagkatapos ng kaniyang bakasyon sa Boracay.

Gayunpaman, pinabulaanan ni Priscilla ang pahayag ni John, na sinasabing walang anumang "mutual agreement" tungkol sa kanilang paghihiwalay.

"We were married when I left the Philippines and we remain married as of this time. While there is indeed more to this story, it is not the appropriate time to delve into those details. Regardless of what those may be, however, it won't change the course of faith."

Ikinasal sina Priscilla at John noong 2011. Mayroon silang isang anak na babae, si Samantha Anechka, na isinilang noong 2012. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News