Hindi itinago ni Carla Abellana ang kaniyang galit tungkol sa mainit na usapin ngayon sa flood control project na sangkot umano sa anomalya ang ilang politiko, mga kawani ng gobyerno at mga contractor.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, hiningan ni Tito Boy si Carla, na binansagan ng netizens na “Queen of Call Out,” ng kaniyang saloobin tungkol sa usapin ng flood control projects, na iniimbestigahan ngayon.

“I'm outraged sa totoo lang po. Galit na galit po ako. Ngayon ko nga lang po, actually na-e-experience ang ganitong klase ng galit. Kasi ako ay obedient taxpayer. I pay, my goodness, so much in taxes. Masakit po ‘yun for us. Whether maliit lang po o malaki ang taxes na binabayaran niyo, the fact na nagbabayad po kayo ng taxes, dapat magalit po kayo. All the more for us kasi grabe po, 'yung eagle eyes po sila sa atin in terms of taxes. Wala po tayong lusot,” paliwanag niya.

“Madalas, iniiyakan ko po ‘yan ‘pag time na po nagbabayad ng taxes. So, the fact na nakikita po natin kung saan napupunta, eh, parang ang hirap pong hindi kayo magalit,” pagpapatuloy ni Carla.

Panawagan niya, dapat na may mabilanggo sa isyu ng flood control projects.

“Dapat po may makulong talaga. Dapat po may managot. Hindi lang po sila haharap sa isang hearing or pag-uusap or investigation. There has to be accountability and there has to be punishment po talaga,” giit niya.

Sinabi pa ni Carla na dapat magkaroon ng mga solusyon, at huwag lamang magpaikot sa mga hearing.

“I think that's where we fall short po eh. I mean, parang nga po tayong nanonood ng teleserye kapag nanonood po tayo ng Blue Ribbon Committee, ng hearing, ng ano-ano. Ah, pero parang it's a cycle. Paulit-ulit lang po siya. Ah, parang wala pong nare-resolve,” sabi pa ni Carla.

“Queen of Call Out”

Napag-usapan ang bansag ng netizens kay Carla na “Queen of Call Out,” dahil sa mga matatapang niyang panagawan sa ilang kompanya matapos siyang makaranas ng mga aberya sa mga serbisyo nito.

“Sometimes, honestly, natatawa po ako. Kasi Filipinos are so creative. Paano po nila naiisip? Or how did they come up with such titles? Pero, I guess, in a way, medyo flattered, kasi nabibigyan po ng title, nabibigyan ng pansin. So, for me, parang ano na lang po, laughing matter siya,” komento ni Carla.

Ayon sa Kapuso actress, hindi niya napipigilang magsalita lalo kung direkta siyang naaapektuhan ng mga sablay umanong serbisyo.

“Ako po, as long as I'm affected by it, or it hits me personally, I feel involved, or I feel like I'm affected by it, parang directly in some way, that's when I really… lumalabas po kasi talaga ang frustration, galit. ‘Pag gano'n po, medyo doon ako na, hindi ko na po napipigilan kundi mag-call out, or mag-voice out,” aniya.

Mula sa pagiging tahimik noon, sinabi pa ni Carla na oras na para gamitin niya rin ang kaniyang plataporma para magsalita tungkol sa iba’t ibang isyu sa lipunan.

“I guess siguro ‘yung frustration na rin, Tito Boy, kasi talaga na, ‘yun ang trigger. Because I feel like it's about time I use my voice, na enough na po ‘yung pagiging tahimik. You know, if you want to prove a certain point, if it really affects you in a certain way, then speak up about it na po,” patuloy ng aktres.

Tanggap naman ni Carla na hindi lahat ng tao ay sasang-ayon sa mga pananaw niya, ngunit sinabi niyang sinisiguro niya ang kaniyang mga sasabihin.

“It's part of what you do. Before I say anything naman po, I think before I type or click… Normal po 'yun. It comes with, I guess, the risk. It's part of the risk that you take, na talagang hindi po lahat mag-agree with you. Of course, may mga magagalit po, may magre-react negatively, hindi po may iwasan ‘yun,” sabi ni Carla.

“And I guess, sanay na rin po ako, because of our industry, na talagang uulitin mo ‘yung mga wala na pong kinalaman from the past. Hinahalungkat po nila, ibabalik po nila, gagamitin nila. Honestly, to me, it's nothing. Part po siya. Parang ganu'n po, na ready po ako just in case,” dagdag niya.

Dahil dito, pinabulaanan niya ang ilang batikos sa kaniya na isa rin siyang “nepo baby,” na tumutukoy sa mga anak ng mga politiko na may marangyang pamumuhay o lifestyle nang dahil sa pera ng bayan.

“‘Yung mga ganu'n naman, tinatawanan ko na lang po 'yun. Because we all know for a fact that, yes, technically speaking, parang Nepo baby because I come from a family from the same industry, show business, pinanganak. Pero ‘yung Nepo baby naman po na napapanahon ngayon, 'yung pinag-uusapan po natin, ibang Nepo baby naman po ‘yan. Siyempre, ito'y involving politics and corruption,” paliwanag niya.

Depensa ni Carla, pinaghirapan niya ang anumang mayroon siya ngayon.

“Whatever I have now, pinaghirapan ko po. Wala pong inabot sa akin, binigay, or wala pong minana, anything na, everything I worked hard for,” saad ng aktres. – FRJ GMA Integrated News