Ikinuwento ng ‘Your Honor’ hosts na sina Buboy Villar at Chariz Solomon ang kanilang paranormal experiences. Si Buboy, sinabing nagsimula sa trip lang ang paghahanap nila ng multo sa kanilang bahay na nauwi sa hindi niya makalilimutang karanasan.
Sa isang episode ng kanilang programa, ikinuwento ni Buboy na ginagawa pa lang noon ang dalawang palapag nilang bahay sa Batasan, pero doon pa rin sila nakatira ng kaniyang pamilya.
Sa naturang bahay, mayroon silang double deck bed na kanilang tinutulugan ng kaniyang kuya. Isang gabi habang umuulan at nawalan ng kuryente, napag-tripan umano nilang magkapatid at isa pang kaibigan na maghanap at magtawag ng multo sa kanilang bahay.
Gamit ang cellphone, kumuha umano sila ng video sa pag-asang may makukuhanan sila na kakaibang nilalang.
Pero ang hindi nila inasahan, nang mag-flash sila sa cellphone at itutok ito sa itaas na bahagi ng bahay na may butas dahil sa ginagawa pa, may nakita silang anino na tila nakasilip sa kanila.
Nakita umano nilang tatlo ang anino kaya nakapatakbo sila sa kama at nagtalukbong ng kumot. Ngunit sinundan sila ng kakaibang nilalang na nagpaparamdam sa kanila sa pamamagitan ng paghipan.
Niyugyog din umano ng pinaniniwalaan nilang multo ang kanilang kama.
Pero ang lalong ikinatakot umano nila Buboy ay nang hawakan ng multo ang paa ng kaniyang kapatid, at kinalaunan ay ang paa naman mismo ni Buboy ang hinawakan at hinahatak.
Ayon kay Buboy, malamig ang kamay na humawak sa paa niya na gaya ng isang tao na nagbabad sa paliligo sa ulan.
Dahil sa matinding takot, napamura umano si Buboy nang malakas at doon na mawala ang pinaniniwalaan nilang multo. Pero bago raw ito umalis, nakaramdam pa sila na may ibinato sa kanila na kinalaunan ay nalaman nilang laruan.
Ayon kay Buboy, sila lang ang nasa kuwarto nang sandaling iyon dahil nasa ikalawang palapag ang kanilang ina na napababa dahil sa kanilang pagsigaw.
Pero hindi lang si Buboy ang may makapanindig-balahibong karanasan tungkol sa multo kung hindi maging si Chariz nang minsan may pinuntahan siyang gimikan.
Tunghayan ang buong kuwento ni Chariz sa video na sinabing sa loob ng banyo niya naramdaman ang pinaniniwalaang niyang kaluluwa ng taong namatay doon. Panoorin. --- FRJ GMA Integrated News
