Muling nagbalik sa Hong Kong si Alden Richards para makipag-ugnayan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) doon bilang Ambassador ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga ibinahagi ni Alden sa mga OFW ang kahalagahan ng mental health.
"Mahirap siya kasi walang ibang kalaban 'yung individuals kundi ang kanilang sarili and based on experience I've been there so I know how it feels," ayon kay Alden.
Dagdag pa niya, "Mahirap po siya kasi may mga iba pong dumadaan sa dark moments ng buhay nila at hindi nila alam na nakaka-experience na pala sila ng mental health issues."
Sinabi pa ng Kapuso star na importante sa mga OFW na maramdaman nila na hindi sila nag-iisa kahit pa malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay.
"Mahirap kasi na mag-isa. Mahirap maramdamang mag-isa ka at mahirap na ipinaparamdam sa 'yo ng ibang tao na mag-isa ka lang. So nandito ang OWWA," sabi pa ni Alden.
Nagtungo si Alden sa Hong Kong noong January 2024 para sa shooting ng blockbuster movie na "Hello, Love, Again," na katambal niya si Kathryn Bernardo.
Ang "Hello, Love, Again" ay sequel ng kanilang 2019 film na "Hello, Love, Goodbye," na sa Hong Kong din kinunan ang mga eksena.
Ginampanan nila Alden at Kathryn ang karakter bilang mga OFW na sina Ethan at Joy, na umibig sa isa’t isa.
Narito ang ilang hotlines para sa mga taong kailangan o may kakilala na kailangan ng kausap: DOH-NCMH Hotline: 0917-899-8727 or 02-7989-8727; Natasha Goulbourn Foundation Hopeline: 0917-558-4673, 0918-873-4673 and 02-8804-4673; at In Touch Crisis Line: 0917-800-1123, 0922-893-8944 at 02-8893-7603.
—Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
