Nagmistulang fangirls at fanboys ang mga housemate ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” matapos nilang malaman na sina Joshua Garcia at Piolo Pascual ang kanilang mga house guest sa bahay ni Kuya.

Sa episode nitong Martes, muling sinalubong ni Kuya ang dalawa para sa isang mabilis na kumustahan.

Binalikan ni Piolo na minsan na rin siyang bumisita sa bahay ni Kuya noong batch ni Joshua, habang ibinahagi naman ni Joshua kung paano siya na-starstruck kay Piolo.

Naaalala pa niya ang mapagkumbabang umupo ito sa sahig noong bumisita ito.

Inanunsyo ni Kuya na magsisilbing team captains ang dalawa para sa isang memory quiz game — si Piolo bilang lider ng Team Meet, at si Joshua naman bilang lider ng Team Greet.

Pagpasok nila sa bahay, unang lumabas si Piolo sa living room at napasigaw sa tuwa ang mga miyembro ng Team Meet nang makita ang aktor. Samantala, sa task room naman, mainit ding sinalubong ng Team Greet si Joshua.

Sa huli, nanalo ang Team Greet sa laro, na nagbigay sa kanila ng karapatang makipagkita kay Piolo.

Nagsimula ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” noong Oktubre 25. Gaganapin ang unang eviction night sa Sabado, na nominado sina Waynona Collings, Princess Aliyah, Fred Moser, at Reich Alim. —Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News