May kuwento pala talaga ang bawat pagkain. Higit pa sa kuwento kung paanong inihahanda ang bawat sangkap at kung paano niluluto ang mga ito. Tungkol din pala ito sa kuwento ng buhay ng mga nagluto nito. Ang mga hamon na kanilang kinaharap. Ang mga pangarap na kanilang natupad, maisilbi lang sa atin ang masarap na pagkaing 'di na lamang nanguya ng ating bibig kundi bumusog na rin sa sikmura ng ating mga sariling kuwento.

Ganito ang naging pangunahing mensahe sa akin ng bagong pelikulang Ilonggo na may titulong “Bugsay” ni Kevin Pison Piamonte. Halaw ito sa buhay ng isa sa mga prominenteng Ilonggo na si Honorato “Tatoy” Espinosa, na pundador ng kilalang “Tatoy’s Manokan and Seafood Restaurant” ng Iloilo.

Akmang metapora ang bugsay (sagwan) upang maging kongkreto sa kamalayan ng manonood ang presentasyon ng buhay ni Tatoy sa pelikula. Katuwang ang bangka (na representasyon naman ng naging propesyon ni Tatoy bilang mangingisda at metaporikong-behikulo na sinakyan sa buhay) — pinasulong ng bawat pagsagwan ng persona sa tubig ang pagdidikta sa kilos ng paglalakbay.

Ang kaniyang pagpapaimbulog ng bugsay sa ilalim ng tubig ang nagsilbing tantiyadong kumpas sa dapat maging tiyempo ng kaniyang buhay. Ang lakas ng pagsagwan ang lakas ding nagpakilos upang malagpasan niya ang malalaking alon ng buhay.

Maraming panahong hinati ng bugsay at bangka ang dagat patungo sa nais patunguhang direksyon ng mangingisda upang marating ang dalampasigan ng pangarap para sa pamilya. Kung kaya’t kung may epicenter ng pagkukunang insights ang pelikula, ito ay ang mabisang pagpapalitaw ng manunulat at direktor na si Piamonte sa kahalagahan ng pamilya.

Inaanyayahan niya tayong muling tingnan ito lagpas sa melodramatikong pag-iral nito sa ilang pipitsuging pelikula. Ipakikilala sa atin ng “Bugsay” na ang kasaysayan ng isang pamilya ang siyang pinakamatibay na muhon upang sandigan sa panahon ng pangangarap at tuntungang-pangmatagalan sa panahong narating na mga pangarap na ito.

Lilinawin sa atin ng pelikula matapos itong mapanood na hindi narating ni Tatoy ang pagiging matagumpay na restaurateur kung hindi naging mataas ang pagpapahalaga niya sa kontribusyon sa kaniyang pagkatao ng bawat mahal sa buhay. Mula sa kaniyang Ina, asawa, at mga anak.

Panahon pa ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas nang ipaalam sa kanya ng Ina na ang puso at himig ay mga sangkap ding mabisa sa mas masarap na pagkain. Ang walang-kondisyong pagmamahal naman ng kaniyang asawa, gayundin ang dedikasyon nito sa bawat lutuin ang espirituwal na sabaw na nagpahulas sa bisyon ni Tatoy kung saan dadalhin ang pinapangarap na kainan sa hinaharap.

Pagpapahulas itong kakalma sa kanyang pagkatao sa mga panahon ng pagkalito, desperasyon, at trahedya. Ang pagkatuto ng kaniyang mga anak sa mga pangaral nilang mag-asawa upang akuin ding kanila ang mga pangarap ng magulang ang isang permanenteng lakas ng pamilya na nagbigay-anyo at nagpanatili sa katuparan ng mga pangarap na ito.

Mula noon hanggang ngayon, laging katuwang ang mga anak ni Tatoy sa pamamahala at inobasyon ng matagumpay na kainang ito ng mga Ilonggo. Sinasalungguhitan ng nagpapakatotoong-naratibo ng pelikula ang pilosopiyang becoming imperceptible ni Deleuze : si Tatoy at ang kaniyang pamilya ay hindi natakot sa patuloy na pagbabago ng panahon at transpormasyon ng buhay upang maabot ang kabuoan ng kanilang pagkatao at mga pangarap. Sila ang nagdikta sa sariling kasaysayan at hindi ito inangkla sa panghuhusga at perspektiba ng iba.

Matagumpay ding naitanghal ng pelikula, true to it’s form, ang non-linear na pagsasalaysay bilang lakas ng isang malikhaing sanaysay. Sa pelikula, bilang malikhaing-dokumentaryo. Patalon-talon, pabalik-pasulong na pagkukuwento. Dahil ang personal na pagkukuwento ay hindi naman talaga kronolohikal. Dahil kapag nagkukuwento tayo ng personal na karanasan, tulad ng sa pelikula, mas inuuna nating ikuwento kung ano ang mas mahalaga. Kahit pa magsimula tayo sa gitna o sa dulo ng kuwento.

Kung kaya’t akma ang mga eksena ng dalampasigan, bilang pisikal at metaporikal na salalayan din ng pagkukuwento ng karanasan. Pinulot lamang ni Piamonte sa dalampasigan ng buhay ni Tatoy ang mga napili niyang piraso na sapat nang bumuo sa presentasyon ng buhay nito. Mga pirasong kaya pang buoin at pagyamanin. Those stories worth sharing to the screen.

Lagpas sa pagiging anekdotal na sangkap sa pelikula, ipakikita rin ang ilang pamahiin na hanggang ngayo’y sinusunod ni Tatoy. Katulad ng marami sa ating matatanda sa pamilya, malaki ang paniniwala ni Tatoy na ang mga ito ang dahilan kung bakit din natupad ang kaniyang mga pangarap. Sa patuloy na nagbabagong-bihis nating panahon sa kasalukuyan, tila wala nang espasyo pa sa ating kamalayan ang maniwala pa sa mga ganito. Atrasado, pinaglumaang paniniwala. Pero sasabihin ni National Artist Rolando Tinio noon ang ganito : “May malakas na birtud ang paglalakad nang paatras”.

At malakas na birtud na ipamamalay nga sa atin ng pelikula na ang paniniwala sa matandang kultura tulad ng mga pamahiin ay pagdidiin din ng ating identidad na nakaangla sa ating mga katutubong katutuhan at lupain. Tulad ng identidad ni Tatoy bilang tunay na Ilonggo.

Maaaring maging agam-agam ni Piamonte ang pagpapalabas ng pelikula sa labas ng Iloilo. Makakonekta kaya ang mga hindi Ilonggo? Hindi naman nila kilala ang “Tatoy’s Manokan and Seafood Restaurant” ng Iloilo. Pero naniniwala din ako sa sinabi noon ni National Artist Ricky Lee na “marami ang Quiapo”. Dahil matapos mapanood ng mga hindi Ilonggo ang pelikula, mananakam silang puntahan ang mga paborito nilang kainan — karinderya man o restaurant sa Maynila man o sa iba pang lungsod — na naging bahagi ng kanilang pagtanda at pagkatao.

Lagpas pa sa kinasanayang lasa ng mga pagkain, malaki ang posibilidad na itulak din sila ng pelikula ang mga nanood na alamin ang kuwento ng bawat pundador o pamilyang nasa likod ng kanilang poboritong kainan. Kahit hindi pa TATOY’s ang pangalan ng mga ito. Dahil tulad ng sinabi ni Lee tungkol sa Quiapo, sasabihin din ng pelikula ni Piamonte na marami din ang Tatoy’s.

Matapos ang pelikula at matapos maiyak ng tatlong beses, ginutom akong wala nang ibang gustong kainin at lantakan kundi ang lechong native na manok, baked talaba, kinilaw, at sinugbang bangus at managat ng Tatoy’s. Walang biro. -- FRJ GMA Integrated News