Inihayag ni Snooky Serna na may mga pagkakataon noon na hindi niya ramdam ang ilang niyang naging ka-love team sa showbiz.
“‘Yung mga love team natin noon, may mga guys ako na kasama noon na hindi ko naman feel. Hindi ko naman crush. I mean, parang hindi ako inspired to be love-teamed with,” sabi ni Snooky sa guesting nila ni Jackie Lou Blanco sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Ngunit dahil sa trabaho, kinailangan daw itong gawin ni Snooky.
“Pero we would have to… how do you say that, Tito Boy? Parang make sinungaling, pretend that we were in love with each other,” patuloy niya.
Katunayan, may mga pagkakataon pang napares umano si Snooky sa aktor na pareho nilang ayaw sa isa’t isa.
“Meron pa talagang, we did not like each other at all. May ganu’n. But I had to do it because it was part of my job. Pero ang hirap,” sabi ni Snooky. “Bordering on hate mo na nga. Inis na inis akong kasama.”
Ngunit nang usisain ni Tito Boy kung sino ito, hindi na nagbigay pa ng pangalan si Snooky.
Samantala, binalikan naman ni Snooky ang katatapos na 2025, na aniya’y maraming naituro sa kaniya.
“Ako, Tito Boy, it was a learning experience for me. May mga ibang things that I would rather have not gone through, but I had to go through. But everything was a good thing at the end of it all. It was a learning experience for me,” saad ng batikang aktres.
Makakasama sina Snooky at Jackie Lou Blanco sa upcoming series na "House of Lies" na pangungunahan nina Beauty Gonzalez, Kris Bernal, Mike Tan, at Martin Del Rosario, na mapanonood na sa Enero 19 sa ganap na 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ GMA Integrated News
