Natupad na ang pangarap ni Ashley Rivera na maging isang calendar girl ng isang whiskey brand ngayong 2026, isa o dalawang taon makaraan niya itong ipahayag sa isang podcast.
“Na-reach ko na 'yung goal ko na maging calendar girl. Ngayon, ang sunod kong goal, makita 'yung calendar ko sa mga guardhouse, kung saan 'yung mga gym, 'yung mga sa basketball court, 'yung mga barangay,” sabi ni Ashley sa guesting nila ni Hershey Neri sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Pagdating sa GMA network, sinabi ni Ashley na namigay siya ng mga kalendaryo sa ilang guwardiya.
“So actually, fun fact, meron akong mga calendar sa loob ng kotse ko kasi ang dami nilang binigay sa akin, hindi ko alam anong gagawin ko. So para akong nangangandidato,” sabi niya.
“Katulad dito 'yung pagpasok ko sa GMA, ‘Sabi ko kuya, sa ‘Fast Talk.’ Ito pala, minsan lang ito, sa inyo na ito (ibinigay ang kaniyang mga kalendaryo),’” sabi ni Ashley.
Ayon pa Ashley, may iba pang guwardiya na humingi ng kaniyang calendar.
“‘Of course! O ‘di ayan.’ Next time, VIP na ako lagi dito, kahit walang parking, magkaka-parking ako,” biro ni Ashley. “Kasi hindi nilang puwedeng ipagkaila, pagpasok ko pa lang, ‘Ayun ako, papasukin mo ko.’
Nang tanungin kung paano siya nakuhang calendar girl ng whiskey brand, sinabi ni Ashley na manifest niya ito na may kasamang parinig.
“Manifest or pagpaparinig? Actually, meron kasi kaming episode sa Chicks To Go podcast. So meron kaming ‘Bakit hindi? list.’ So these are the things na… Bucket list din,” kuwento niya.
“So sabi ko lang, ‘Parang gusto kong maging calendar girl. Kasi not everyone gets that opportunity, and I think it would be so fun. And inspired by Tita Carmi Martin. So ayun, sabi ko lang, ‘Parang gusto kong maging calendar girl,’’ patuloy niya.
Narinig naman ng local whiskey brand ang kaniyang hiling, ngunit umabot pa ito ng isa o dalawang taon bago nagkatotoo.
“Hindi ko naman in-expect. As in, wala lang ‘yan. I wasn't expecting anything naman. And after two years din ata, or a year after that episode,” saad niya. “I think perfect timing din Tito Boy.” –FRJ GMA Integrated News
