Kasunod ng pag-atake ng Amerika at Israel sa Iran, mahigpit na pinaaalalahanan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East na sundin ang mga abiso ng Philippine Embassy at lokal na awtoridad kaugnay ng kalagayan ng seguridad sa kanilang mga kinaroroonan.

Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ng OWWA na patuloy ang koordinasyon nila sa mga Migrant Workers Office at Embahada upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Payo ng OWWA sa mga OFW:

  •  Subaybayan ang opisyal na anunsyo ng Philippine Embassy at verified accounts ng host government
  •  Tukuyin ang pinakamalapit na shelter at maging handa sa anumang emergency alert
  •  Iwasan ang mga lugar na may potensyal na panganib

Dagdag nito, para sa agarang tulong, makipag-ugnayan sa mga hotline ng Embahada at MWO/OWWA na nakalista sa ibaba.

Ang binabanggit sa abiso ay ang mga bansang Israel, Jordan, Oman, Qatar, Lebanon, UAE, Bahrain, Kuwait, Saudi, at Iran.

Una rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Sabado ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan matapos magsagawa ng mga pag-atake ang Israel at Amerika laban sa Iran.

“We have received reports of airstrikes that hit Iran. We are in the process of getting more information,” saad ni Marcos sa isang pahayag na naka-post sa X.

“In the meantime, the safety of Filipino citizens in Iran and in the Middle East is paramount. I have instructed the DFA [Department of Foreign Affairs] and the DMW [Department of Migrant Workers] to take measures to determine their whereabouts in affected areas and to take immediate measures to ensure their safety,” dagdag nito.

Kasunod ng pag-atake ng US at Israel sa Iran, gumanti naman ng pag-atake ang Iran sa mga bansa sa Middle East na may base militar ang Amerika.

Sinabi ng DFA na sa kasalukuyan ay wala pang Pilipinong naiulat na naapektuhan o nasaktan dahil sa sigalot.

"The DFA has assured that embassies stand ready to assist our nationals. We continue to advise Filipinos to stay in their homes or safe places and refrain from going out to public places at this time," ayon sa DFA. – FRJ GMA Integrated News