Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na 80 hanggang 100 Pilipino sa Dubai ang nagpahayag ng intensyon na bumalik sa Pilipinas sa harap ng nangyariring kaguluhan sa Middle East.
Gayunman, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ngayong Lunes na “sarado” pa ang airspace o walang eroplano na maaaring lumipad at lumapag sa lugar.
Ayon sa kalihim, sa ngayon ay tinutulungan ng pamahalaan ang mga apektadong Pinoy, kabilang ang pagdala o paglipat sa kanila sa mga mas ligtas na lugar.
“Those 80 in Dubai who requested repatriation, since it is not yet possible, have been transported to safer ground,” pahayag ni Cacdac sa Palace briefing.
Nagkakaloob din umano ang DMW ng mga pangunahing pangangailangan ng Pinoy sa Dubai, gaya ng pagkain at tubig, habang hinihintay na makalabas sila ng Dubai o maisagawa ang repatriation operation.
Una rito, iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinatayang nasa 2.5 milyon ang Pinoy sa Middle East, na karamihan ay nasa United Arab Emirates, Saudi Arabia, at Qatar. Mayroon namang 800 Pinoy sa Iran.
Lumala ang kaguluhan sa Middle East nitong weekend nang atakihin ng Amerika at Israel ang Iran dahil sa umano’y pagpapatuloy ng huli ng kanilang nuclear arms program.
Bilang ganti ng Iran, inatake nito ang mga base militar ng US na nasa ilang bansa sa Middle East.
Ayon kay Cacdac, hindi pa kailangan sa ngayon ang mass repatriation ng mga Pinoy sa Middle East. Gayunman, tiniyak niyang nakahanda ang pamahalaan na tulungan ang mga Pinoy na nais umuwi sa bansa.
“We are prepared for such an eventuality, using both public and private sector resources for transport by sea, air, or land,” saad niya.
Samantala, sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang DMW sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera, ang Pinay caregiver na nasawi sa Iranian airstrike sa Tel Aviv.
“We will wait for the appropriate time to bring OFW Mary Ann home, but we are in good hands as the Israeli government is fully supporting us. In due time, OFW Mary Ann will be home safely,” ani Cacdac.
Inihayag naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na itinaas sa Alert Level 2 ang UAE, Bahrain, Qatar, Kuwait, at Israel, na mangangahulugan ng deployment ban sa mga bagong OFWs.
Umiiral naman ang Alert Level 3 sa Lebanon, at Alert Level 1 sa Jordan.
“Alert Level 2 is sufficient to impose a deployment ban, especially for newly hired workers. At the DMW, we will take appropriate action to implement the alert,” ani Cacdac.
Sa Alert Level 3, pinapayagan ang voluntary repatriation, habang mandatory evacuation o repatriation na kapag Alert Level 4.
Sa mga Pinoy na kailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa OWWA emergency hotlines: Metro Manila — 1348; Regional — 02-1348; via Viber — +63-915-079-5005 (Globe) +63-969-169-7068 (Smart) +63-966-473-9543 (Globe).— Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News
