Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang traffic enforcer matapos niyang saksakin at masugatan ng isang jeepney driver sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nag-aambang ng pasahero ang 52-anyos na driver sa Barangay San Miguel nang mangyari ang insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na dati nang may alitan ang driver at ng 56-anyos na traffic enforcer dahil sa usapin ng pagsunod sa batas trapiko.

Pero off-duty ang suspek nang mangyari ang insidente kung saan nagkahamunan ng suntukan ang dalawa, hanggang sa mauwi na pananaksak na ikinasugat ng biktima, na dinala sa ospital.

“Patuloy po nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng POSO, at saka sa mga kamag-anak at barangay officials sa San Miguel upang tulungan kaming matunton itong suspek na ito o kaya ay ating mapasuko,” ayon kay Police Lieutenant Julfre Ayson, investigation officer ng Calasiao Police Station.

Inihayag naman ng lokal na opisyal na hindi nila kukunsintihin ang ginawa ng kanilang tauhan.

“Hindi po ito-tolerate iyong ganyang gawain. Mas maganda magpakita na siya para malinawan, makausap kung anuman ang plano niya. Humarap sa pamilya ng nasaksak niya,” sabi ni Joel Cabucol, hepe ng Calasiao Public Order and Safety Office (POSO).

Patuloy ng imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang inihahanda ang posibleng asunto na frustrated murder laban sa suspek.—FRJ GMA Integrated News