Bagaman perwisyo ang tingin sa mga anay na sumisira sa mga bahay at puno, may pakinabang naman ang kanilang mga bahay na gawa sa lupa. Puwede kasing gamiting materyales ang lupa para sa DIY oven upang makapag-ihaw o makapagluto ng masasarap na pagkain.
Sa nakaraang episode ng I Juander, ipinakilala si Ian Rex Frusa, na pinuntirya ang mga bahay ng anay sa isang kabundukan para kumuha ng materyales sa gagawin niyang oven sa Juban, Sorsogon.
Sa kabundukan na namamalagi ang mag-asawang sina Ian at Ella. Si Ian na dating cook sa isang restaurant sa Maynila ang laging natoka sa pagluluto sa kanilang bahay.
Kaya anumang lutuin na hilingin ni Ella, kayang kayang gawin ni Ian.
“Gumawa ako ng paraan para makagawa dito ng pagkain, lalo na at limitado dito ang gamit sa bundok. ‘Yung bahay ng anay kasi ay magandang quality para gawing DIY oven. Hindi po kasi siya nabibitak agad,” sabi ni Ian.
Nilinaw naman ni Ian na target niya lamang ang mga bahay ng anay na wala nang laman.
Sa paggawa ng oven mula sa bahay ng anay, dudurugin muna ni Ian ang lupa para maging pino at saka niya babasain ng tubig para lumagkit at maging putik.
Matapos nito, hahaluan niya ito ng kogon o tuyong damo. Puwede nang ilapat ang pinaghalong putik mula sa bahay ng anay at tuyong damo sa ginawang porma o hulma ng pugon na yari sa bakal.
Aapuyan ito ng ilang oras para tumigas at matuyo.
Ang naturang paraan ng paggawa ng pugon mula sa lupa o bahay ng anay, dati na rin daw ginagawa ang ating mga ninuno.
“Before Christ pa, gumagawa na talaga tayo ng oven na gawa sa clay. Pero noong nag-bloom na 'yung agriculture industry ng trigo at 'yung pag-bloom din ng paggawa ng tinapay sa buong mundo at doon nila nalaman 'yung paggamit ng bahay ng anay o 'yung putik na gawa sa bahay ng anay,” sabi ni Chester Mogol, culinary instructor.
Panoorin sa I Juander ang pagluluto ni Ian ng Hawaiian Pizza at Oven Roasted Chicken sa oven na gawa sa bahay ng anay. – FRJ GMA Integrated News
