Pansamantalang nakalaya ang vlogger na si Francis Leo Marcos, na si Norman Mangusin ang tunay na pangalan, matapos magpiyansa ng P120,000, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Sabado.

Sinabi ng tagapagsalita ng BJMP na si Jayrex Bustinera na naglabas ang korte ng utos na palayain si Mangusin matapos itong magpiyansa, ayon sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB.

Ipinatupad ng Parañaque City Jail ang utos ng pagpapalaya, na sinabing walang ibang nakabinbing reklamo o kaso si Mangusin.

Ang piyansang P120,000 ay katumbas ng 12 count ng unjust vexation na isinampa laban sa kaniya ng isang kapwa vlogger.

Noong Biyernes, inilipat si Mangusin mula sa Camp Crame sa Quezon City papunta sa Parañaque City Jail kasunod ng utos ng korte.

Inaresto si Mangusin ng Philippine National Police sa isang hotel sa Pasay City noong nakaraang Martes. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News