Inabutan pang umuusok ang jacket na hinubad ng isang rider sa Cagayan de Oro matapos umanong sabuyan sila ng kaniyang angkas ng isang uri ng kemikal ng riding in tandem.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa video na naghubad na ng damit ang lalaking rider, habang nakatapis naman ng tuwalya ang kaniyang angkas dahil sa nangyaring pag-atake.
Tinulungan ng mga residente ang dalawa na mabuhusan ng tubig para maigsan ang hapdi sa balat na kanilang naramdaman.
Batay sa salaysay ng dalawa sa pulisya, bumibiyahe sila nang bigla silang buhusan ng kemikal ng riding in tandem suspects.
Nagtamo umano ng lapnos sa bahagi ng mukha at katawan ang magkaangkas na biktima.
Ayon sa Cagayan de Oro City Police Office, wala siyang natanggap na reklamo tungkol sa insidente, at nalaman na lang nila ito sa social media.
Inatasan nito ang Carmen police na magsagawa ng imbestigasyon, at nakatakdang magtungo sa kanilang tanggapan ang dalawang biktima.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang dalawa. – FRJ GMA Integrated News
