Pinasalamatan ni Beauty Gonzalez ang kaniyang “House of Lies” co-star na si Kris Bernal dahil sa mga papuri nito sa kaniya bilang aktres. Biro niya tungkol sa kanilang pisikalan scenes, naghihinay-hinay siya dahil mas mataas siya kay Kris.
Sa guesting niya sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, hiningian ni Tito Boy ng komento si Beauty tungkol sa mga papuri at magagandang salita na inihayag ni Kris para sa kaniya.
“I wanna thank her kasi she said beautiful words. Grabe, thank you Kris! Thank you so much!” sabi ni Beauty.
Sa na unang panayam ni Tito Boy, sinabi ni Kris na hirap siya sa intense scenes dahil sa tangkad ni Beauty.
Kinumpirma naman ito ni Beauty na ikinuwento ang ginawa nilang content ni Kris para sa Tiktok.
“May ginawa kaming TikTok, sabi ko ‘Kris gawa tayo ng TikTok, kailangan nakapatong ka sa apple box.’ That was my idea, I was like, ‘How it will be so funny. Para makita nila ‘yung height difference,’” biro ni Beauty.
Ayon kay Beauty, hirap siyang mandaya kapag fight scenes, ngunit nagpapaalam naman sa kaniyang mga co-actor.
“Ako, nate-tense ako kasi siyempre ‘pag eksena, I always ask for permission naman, ‘Is it okay?’ ‘I'm sorry, but hindi ako nandadaya. It's hard for me na mandaya,’” saad niya.
Kaya pagdating kay Kris, naghihinay-hinay lamang siya rito.
“Sabi niya, okay naman daw, pero ang liit niya, Tito Boy. Puwede pala siyang ganu’nin ng isang kamay. Naku, isang ganu’n ko lang ng sipa ko lilipad na siya. Sabi ko, ‘Oh my God.’ So, parang I don't want to hurt also, but at the same time, parang ayaw ko rin mandaya,” biro niya.
“But I'm so thankful na game siya, and we want to give our best. So, it's easier for me. Kasi ang hirap din pag may co-actor ako, daming arte, daming mga issues or whatever,” pagpapatuloy pa ni Beauty.
Ipinunto rin ni Tito Boy ang chemistry nila ni Kris sa series.
“There is something in it, and I'm really, like, I'm excited. Like, every time I go to work, I'm so excited to be with my co-actors and with my directors,” ani Beauty.
Sa nakaraang episode ng “All Out Sundays,” sinabi ni Kris na pangarap niyang makatrabaho si Beauty.
“Siyempre, unang una, ang mamalditahan ko ay si Miss Beauty Gonzalez. Hindi talaga ako hihindi. Gusto ko talaga siyang makatrabaho,” sabi ni Kris.
Gumaganap si Beauty bilang si Marjorie "Marj" Castillo-Torrecampo sa “House of Lies,” na nag-premiere nitong Lunes. Bahagi rin ng cast sina Mike Tan, Martin del Rosario, Jackie Lou Blanco, Snooky Serna, Kokoy De Santos, at marami pang iba.
Napanonood ang House of Lies ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime.—FRJ GMA Integrated News
