Ibinahagi ni Bianca Gonzalez sa social media ang kaniyang pagkadismaya tungkol sa mas mataas na umano ang gastos sa domestic travel sa Pilipinas kaysa ang pagbiyahe sa ibang bansa.

Ibinahagi ng “Pinoy Big Brother” host ang kaniyang saloobin sa X, bilang tugon sa pahayag ng abogado at dating COMELEC commissioner na si Gregorio Larrazabal, na unang nagkomento tungkol sa tumataas na gastos ng lokal na turismo.

“How can you convince Filipinos to travel to other parts of the Philippines when it’s cheaper to fly to Hong Kong, Singapore, or other ASEAN destinations than it is to fly to some tourist destinations in the Philippines?” ani Larrazabal.

Sumang-ayon naman dito si Bianca at nagpahayag na; “We booked a trip to Siargao, and it is more expensive than a trip to Hong Kong, Bangkok, or Vietnam.”

“Mas mahirap suportahan ang lokal na turismo dahil ang mahal,” dagdag pa ng PBB host.

Umani naman ng magkakaibang reaksyon mula sa netizens ang post ng TV host. May ilang netizen na nagsabing nakaka-relate sila kay Bianca, habang ang iba naman ay nagpahayag na hindi lahat ng tourist spots sa Pilipinas ay mahal ang gastos.

“Agree! We went to Sagada early January, and we spent P11K for three days, ‘di pa kasama accommodation and airfare,” saad ng X user na si @clangaroo.

“Sobrang mahal pa kaysa sa Thailand. When we went there, we only spent P5k in total on food for three days,” dagdag niya.

Saad naman ng X user na si @myoung691, sa pananaw niya ay ang Siargao at Boracay lang ang mahal na local tourist destinations sa bansa. Umaasa siya na “people would stop generalizing,” dahil marami pa naman daw na lugar sa bansa ang puwedeng puntahan.

Sa isang mabilisang pagsilip sa Google Flights para sa mga biyahe sa Pebrero, nasa P6,000 hanggang P9,000 ang pamasahe papuntang Siargao at P4,000 hanggang P7,000 naman papuntang Boracay mula Maynila.

Para naman sa mga kalapit na bansa, ang round-trip flights mula Maynila ay nasa P7,000 hanggang P11,000 papuntang Hong Kong, P14,000 hanggang P20,000 papuntang Hanoi, at P10,000 hanggang P15,000 papuntang Bangkok.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News