Inamin ni Jillian Ward na nanliligaw sa kaniya ang misteryong “big guy” sa kaniyang recent TikTok video. Kailan naman kaya malalaman ng fans kung sino ang lalaki? Alamin.
Sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinagot ni Jillian ang ilang tanong tungkol sa kaniyang love life.
Kabilang sa tanong ni Nelson ay kung nobyo na ba ni Jillian ang lalaki sa TikTok video, na sinagot naman ng aktres na, “hindi.”
Dugtong na tanong ni Nelson, “Nanliligaw?”
“I think so. Ayyy," tugon ni Jillian.
Tungkol naman sa post ni Jillian sa social media na bulaklak, tinanong din ang aktres kung galing ito sa tinaguriang “big guy” na kasama niya sa video.
Ayon kay Jillian, marami ang nagpapadala sa kaniya ng bulaklak at kasama na roon si “big guy.”
Dagdag pa niya, tila natatanggap na ng publiko ang kaniyang pagdadalaga.
“Feeling ko po parang this year medyo natatanggap na rin po ng mga tao na nagdadalaga na ako. so ayan ma-stress na po si mama,” sabi niya.
Sa dating panayam sa “24 Oras,” nagbigay ng clue si Jillian tungkol kay “big guy.”
“Well magbibigay ako ng isang clue kasi may mga comments na sabi nila hindi matangkad 'yung nasa likod. Pero kasi ang clue naka-[crouch] siya para hindi kita ‘yung mukha niya. So matangkad ‘yung taong ‘yon,” sabi ng aktres.
“Hayaan niyo naman akong kiligin. Mag-21 na ako," natatawa niyang sabi.
Malalaman na daw kung sino si “big guy” sa second part ng kaniyang video.
Nakatakdang bumida si Jillian sa upcoming Kapuso action series na “Never Say Die,” kasama sina David Licauco, Kim Ji Soo, at Raheel Bhyria.
Mapapanood din sa “Never Say Die” sina Raymart Santiago, Richard Yap, Angelu De Leon, Analyn Barro, Wendell Ramos, at marami pang iba. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News
