Makabuluhan ang pagdiriwang ni Ronnie Liang ng kaniyang kaarawan na kasama ang ilang batang may cleft lip and palate na mga benepisyaryo ng kaniyang Project Ngiti.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nakatanggap ng free surgery ang mga bata sa ilalim ng nasabing proyekto.

Bukod sa mga bata, pinasalamatan din si Ronnie ng mga magulang ng mga batang benepisyaryo dahil malaking tulong ang libreng operasyon para sa kanilang mga anak.

Para kay Ronnie, bukod sa musika, nakapagbigay na rin siya ng ngiti sa mga bata sa pamamagitan ng operasyon.

Inilunsad ni Ronnie ang “Project Ngiti” noong 2022, isang adbokasiyang tumutulong sa mga batang may cleft and lip palate na sumailalim sa libreng operasyon.

“Gusto ko makatulong sa kanila na magkaroon sila ng normal at masayang buhay dahil alam ko ‘yung lumaking may cleft ay nakaranas sila ng discrimination at mga panunukso nung lumalaki sila,” sabi ni Ronnie sa isang pahayag.

Nagpasikat ng kantang “Ngiti,” isa ring aktor, army reservist, at piloto si Ronnie.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News