Inihayag ni Claudine Barretto ang kaniyang pasasalamat sa mga kapatid sa pag-aalaga ng mga ito sa kanilang ina na si Inday, na pumanaw nitong Huwebes.

"[W]e all did our part.JJ,Michie,Gia,G,Marjorie & all the apos pati apo sa tuhod. Pantay pantay inalagaan ang mommy,” caption ni Claudine sa isang Facebook post.

Inilahad ni Claudine na bagama’t dumadaan silang magkakapatid sa pagsubok pero, "in grief we are all united."

"Peace over everything," dagdag pa niya, habang pinasasalamatan ang lahat para sa kanilang panalangin.

Inilarawan ni Claudine ang inang si Inday bilang, "The strongest most loving Mother anyone could ask for ”

Umaasa si Claudine na magiging maayos silang naulilang pamilya.

“Goodbye Mom.We will be ok.how can we not?WE ARE INDAY BARRETTO's children,” sabi niya.

Nagbigay-pugay din ang magkapatid na sina Dani at Claudia Barretto sa social media para sa kanilang yumaong lola.

Sa serye ng Instagram Stories, nagbahagi si Dani ng mga mahahalagang larawan at video na makikita ang masasayang sandali ng kanilang pamilya kasama ang kanilang Lola Inday.

Nagbahagi rin siya ng nakaaantig na larawan ni Inday kasama ang yumao na rin nilang lolo na si Miguel Barretto. Nakasaad dito na, “Together again.”

Sa isa pa, nag-upload si Dani ng kaniyang larawan kasama sina Miguel at Inday.

“I love you both. Rest in Peace, Mama Day,” caption niya.

Nagbahagi rin si Claudia ng mga larawan niya kasama si lola Inday sa kaniyang Instagram Stories habang ang kaniyang inang si Marjorie, nag-repost ng luma pero masasayang boomerang ng kanilang pamilya na pinost ng kaniyang pamangkin na si Pocholo Barretto.

Kinumpirma ng anak ni Inday na si Joaquin ang malungkot na balita sa nangyari sa kanilang ina sa isang Facebook post nitong Huwebes.

“Rest in peace, Mom. I love you,” saad ni Joaquin sa post ng larawan ng kandila na may black background.

Hindi idinetalye ang pagkamatay ni Inday, pero humihingi si Claudine ng panalangin para sa kalusugan ng ina noon pang Setyembre 2024, noong dalhin ito sa ospital dahil sa lupus.

Noong mga huling buwan ng 2025, labas-masok si Inday sa ospital, habang nagbibigay si ng mga update sa social media.

Ikinasal si Inday kay Miguel Barretto, na pumanaw noong 2019.

May pito silang anak, kasama si Mito, na pumanaw naman noong 2025.

-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News