Muling nagkasama-sama ang magkakapatid na Barretto, na sina Claudine, Joaquin, at Gretchen, sa burol ng kanilang ina na si Inday.
Sa Instagram, ibinahagi ni Joaquin ang ilang larawan na kasama niya ang mga nagluluksang kapatid na si Gretchen at Claudine.
Sa isang larawan, makikita si Claudine na nakasandal sa balikat ng kaniyang ate na si Gretchen.
"I love you both so much. Mom is smiling in heaven. Wish come true for Mom. Thank you, Lord,” saad ni Joaquin sa caption.
Sa hiwalay na post ni Claudine ng ilang larawan at video sa lamay, inihayag ng aktres sa caption na, “Mommy, we’re all here. We love you.”
Wala sa mga larawan na ibinahagi ni Joaquin, ang isa pa nilang kapatid na si Marjorie, na nagbigay ng touching tribute sa kanilang namayapang ina sa kaniyang social media.
Pumanaw ang matriarch ng pamilya Barretto na si Inday noong January 29. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

