Sina Kylie Padilla, Miguel Tanfelix, Jak Roberto, Kyline Alcantara, at Buboy Villar ang bibida sa upcoming Kapuso action-drama series na “Task Force, Firewall.”
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, nagpasulyap si Kylie ng mga dapat na abangan sa kanilang bagong proyekto.
“It’s very timely sa panahon natin since lahat nasa internet na and lahat tayo may cellphone, so everyone is vulnerable to this kind of crime,” sabi ni Kylie.
Masaya si Kylie na muli silang magkakasama ni Jak sa proyekto matapos ang matagumpay nilang GMA Afternoon Prime series na “My Father’s Wife.”
“Like I usually say ‘pag kasama ko si Jak, 50 percent of the work done na kasi maganda ‘yung chemistry namin,” sabi pa niya, na idinagdag na gaganap sila ng iba namang mga karakter na malayo sa nauna nilang series.
Pinuri naman ni Jak si Kylie dahil sa gagampanan nitong karakter, na maraming action scenes.
“Wala akong na-i-imagine na ibang character na gaganap nito kundi siya lang. So I’m happy to work with her again and I’m excited, of course. Ang maganda sa ‘min when it comes na magkakaroon kami ng project, nag-a-adjust na lang kami through character eh,” sabi ni Jak.
Samantala, “Mga Batang Riles" naman ang huling action series ni Miguel. Kaya para sa "Task Force, Firewall," muli siyang sasabak sa training para sa action scenes, gaya ng paano humawak ng baril at patalim.
“Mag-t-training ako with the army,” sabi ni Miguel.
Dream come true para kay Kyline ang “Task Force, Firewall,” lalo’t gustong gusto niyang mapasabak naman sa isang action project.
“Hopefully, may mga hard stunt po na mangyayari because magte-training din po kami,” sabi niya.
Excited na rin si Buboy sa series, lalo’t gaganap siya bilang isang mapaglarong tech expert.
"Isa lang po masasabi ko. Napakalaki po ng project na ito, napakaganda po ng vision at sobrang nakakakiliti na gusto ko nang magsimula po kaagad bukas na. Mag-taping na kaagad kami," sabi niya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
