Ibinahagi ni Anne Curtis na gusto na ng anak nila ni Erwan Heussaff na si Dahlia na magkaroon ng kapatid.
Sa guesting ni Anne sa third anniversary special ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, sinabi ng It’s Showtime host na natural lang sa isang batang gaya ni Dahlia ang hiling nito.
“Yes. She wants it. Of course, I think for any child. So far, sabi niya gusto niya,” sabi ni Anne.
Nang tanungin kung paano nila sinagot ni Erwan si Dahlia, sinabi ni Anne na ipinauubaya na nila ito sa Panginoon.
“I always say, maybe one day if God blesses us with it, then why not, right?” sabi niya.
Samantala, nagulat si Anne na may nagtuturing sa kanila ni Erwan na isang “power couple.” Kaugnay ito ng blind item na may power couple umano na nagkakalabuan, at kabilang sila sa mga pinaghihinalaang celebrity couple.
“I didn't know. I knew the issue, pero I didn't know we were part of this. Ang taray naman ng power couple. I don't know if I would consider Erwan and I a power couple but thank you for considering us,” ani Anne.
Nilinaw din ng TV host-actress na hindi na siya nagkokomento sa mga katulad na kontrobersiya.
“I still live by that same motto I came up with years ago; Learn the art of dedma. And don't stress about it because I feel like when you stress about things, and I'm speaking from experience, sometimes, it manifests in your body. So why would you do that to yourself?” paliwanag niya.
Ayon pa kay Anne, bagaman may nangyayaring pagtatalo sa kanilang mag-asawa, maliliit na bagay lamang umano ang kanilang pinag-aawayan.
Ikinasal sina Anne at Erwan noong 2017. Isinilang ni Anne si Dahlia tatlong taon ang nakalipas.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
