Hindi pa tapos ang reunion show ng SexBomb Girls matapos nilang ianunsyo na magkakaroon pa sila ng “Round 6.” 

Sa Get Get Aw! Round 5 show nitong Linggo, inihayag ng grupo ang magkakaroon ng Round 6 ang kanilang in-demand concert.

Samantala, inihayag naman ni Boy Abunda sa show nito na "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes ang pagkakaroon din ng world tour ng grupo.

Wala pang detalye kung kailan gaganapin ang mga ito.

BASAHIN: Aira Bermudez, ibinahagi kung paano napasali sa Sexbomb at nakatulong sa pamilya

Unang ginanap ang SexBomb Girls reunion concert sa Araneta Coliseum noong December 4, at nasundan ng ikalawang show sa SM Mall of Asia Arena noong December 9.

Ang ikatlo, ika-apat at ikalimang shows ay ginanap naman sa MOA Arena nitong February 6, 7, at 8.

Nakilala at sumikat ang Sexbomb Girls dahil sa kanilang pagiging bahagi ng isang noontime TV variety show. Kalaunan, bumida ang grupo sa panghapong teleserye na “Daisy Siete” at naging mga nangungunang recording artist.

Ilan sa mga miyembro ng grupo ay sina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Aifha Medina, Weng Ibarra, at iba pa.

Bukod sa husay sa pagsasayaw, nagkaroon din ng hit songs ang SexBomb Girls gaya ng "The Spaghetti Song," "Halukay Ube" at iba pa. — FRJ GMA Integrated News