Nagbabalik ang OPM band na Lola Amour sa kanilang bagong single na may titulong "Lambing" sa darating na April 8.

"Para sa mga kaibigan n'yong masyadong malambing paminsan-minsan… kahit wala naman sa lugar," saad ng Lola Amour.

Sa isang video teaser, may paalala sa awiting "Lambing" na, "'Wag kang masyadong malambing."

Tampok sa awitin ang signature funky sound ng Lola Amour na may matinding paggamit ng trumpets at percussion, at siyempre… ang strong vocals ni Pio Dumayas.

Matatandaan na inilabas ng Lola Amour ang kanilang ikalawang album na “Love on Loop” noong Agosto 2025.

Ayon sa banda, tinatalakay nito ang pag-ibig sa iba’t ibang yugto na mula sa unang paghanga hanggang sa pagkabigo, at sa mga hindi maiiwasang pagbabalik ng pag-ibig, na pinagsama-samang mga kuwento na makaka-relate ang marami.

Sa isang eksklusibong panayam sa GMA News Online, sinabi ng Lola Amour na “pinananatili nilang simple” ang bagong yugto ng kanilang musika, at hindi nila hahayaang idikta ng pressure kung anong klaseng tugtugin ang kanilang lilikhain.

Kilala ang grupo sa kanilang mga awitin gaya ng “Fallen,” “Maybe Maybe,” “Umiinit,” “Namimiss Ko Na,” at ang “Raining in Manila.”  —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News