Muling nagpalitan ng mga salita sina Senador Panfilo Lacson at Senador Rodante Marcoleta tungkol sa Kalayaan Island Group, matapos humarap sa isang pagdinig ang asawa ng apo ni Tomas Cloma, na nakadiskubre sa Kalayaan Island Group. Sino nga ba si Tomas Cloma at ano ang kaniyang naging papel sa kasaysayan ng kontrobersiyal na isla?
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isang Pilipinong fishing magnate at abogado si Tomas Cloma, base sa official website ng munisipalidad ng Kalayaan, Palawan.
Itinuturing ama ng Maritime Education sa Pilipinas si Cloma matapos niyang itatag ang Philippine Maritime Institute noong 1948.
Ayon sa apo ni Cloma na si Rizzy Cloma-Santos, 1947 hanggang 1950s nang maglayag sa kanluran ng Palawan ang kapatid ni Cloma na si Captain Felimon, hanggang sa marating ng grupo nito ang isang grupo ng mga isla na wala umanong umookupa.
Nasundan pa ang mga ekspedisyon at sumama na ang abogadong si Tomas Cloma.
"In 1947, Tomas Cloma, a Filipino adventurer and a fishing magnate, discovered a group of several uninhabited and unoccupied islands/islets in the vastness of the Luzon Sea also called the South China Sea,” ayon sa munisipalidad ng Kalayaan-Palawan.
Mayo 11, 1956 nang pormal nang sakupin ng magkapatid na Cloma ang mga isla, kasama ang 40 nilang tauhan, at tawagin itong “Free Territory of Freedomland.”
“Oo, yes. It was him. As a matter of fact, after that, it became our private fishing ground until my father decided to claim after verifying the records,” sabi ni Tomas Cloma Jr., anak ni Admiral Cloma sa isang panayam noong Abril 2019 sa I-Witness.
Mayo 15, 1956 nang sumulat si Cloma kay Bise Presidente noon na si Carlos P. Garcia at sa iba’t ibang pahayagan ng Notice of Claim sa buong mundo na base sa prinsipyong “res nullius,” o “property of no one” ang pag-angkin nila sa mga isla.
Hulyo 6, 1956 nang ipinroklama ni Cloma ang pagkakatatag ng “Free Territory of Freedomland.”
Hindi nagtagal, naglabas na rin ng claim o pag-angkin ang Vietnam, France, Taiwan at China. At maging ang mismong gobyerno ng Pilipinas, hindi kinilala ang ginawa ni Cloma.
Idinulog naman ni Cloma ang kaniyang claim sa UN General Assembly, ngunit hindi ito nagtagumpay.
Dumating ang 1970s at doon na kinilala ni noo’y President Ferdinand Marcos Sr. ang claim ni Cloma, nang pag-interesan din ng ibang bansa na gaya China at Taiwan, ang isla.
Edad 70 na si Cloma noon nang ipakulong siya sa Camp Crame sa gitna ng martial law dahil umano sa “usurpation of official functions and illegal wearing of uniform and insignia.”
Upang makalaya, isinuko ni Cloma sa gobyerno ng Pilipinas ang mga karapatan niya sa mga isla noong 1974.
"Unable to surmount the difficulties and pressure, he ceded his claim to the Philippines for one peso," saad ng munisipalidad ng Palawan.
Ang claim ni Cloma ang ginamit ng gobyerno upang depensahan ang karapatan ng Pilipinas sa Freedomland, na kalauna'y pinangalanang Kalayaan Municipality.
"To further the claim of the Philippines, on June 11, 1978 President Marcos, by virtue of Presidential Decree No.1596, formally annexed the Kalayaan Islands creating a distinct and separate Municipality known as 'Kalayaan' under the political jurisdiction of the Province of Palawan, but under the custody of the Department of National Defense,” ayon sa munisipalidad ng Kalayaan-Palawan.
Binubuo ng pitong isla at dalawang bahura ang Kalayaan Island Group na sakop ng lalawigan ng Palawan.
May land area nito na mahigit 88 hectares kaya ito ang pinakamalaking munisipalidad sa bansa kung pagbabatayan ang territorial jurisdiction.
Tatlong dekada mula nang pumanaw si Cloma sa edad na 92, patuloy ang pag-aangkin ng China sa Kalayaan Island Group (KIG) sa Spratlys.
Naging sentro ito ng debate ng mga mambabatas naging kontrobersiyal ang mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta noong Pebrero 4, 2026.
“Ano ba talagang ipagpapatayan natin dito? We will offer our lives including the lives of our children and to die for it for something that is not even within our EEZ? Ang gawin natin para madali, i-give up natin 'yung KIG,” sabi ni Marcoleta.
“Atin 'yung Kalayaan Island group and Pag-asa Island is a barangay of the Kalayaan Island Group Municipality of the Province of Palawan. This is the only inhabited barangay in the Kalayaan Island Group and it is ours,” sabi naman ni Lacson.
Inalmahan naman ng mga taga-Pag-asa Island ang sinabi ni Marcoleta.
“We were offended. We take offense for what he has said, kasi parang anong anong silbi nu'ng bayan namin? Anong silbi nu'ng mga magigiting na mamamayan namin? Kumbaga they have already given up greener pastures elsewhere in the country just to stay there, bringing their kids,” sabi ni Kalayaan Vice Mayor MP Albayada.
Hanggang sa iginiit ni Marcoleta na biro at hypothetical statement lamang ang sinabi niyang isuko na lamang ang KIG.
Batay naman sa mga eksperto, maraming mga batas na domestic at international na nagpapatunay na teritoryo ng Pilipinas ang Kalayaan Group of Islands.
“Dapat alam niya, the West Philippine Sea refers to our maritime zones. Ang maritime zones natin, 200 nautical mile from our archipelagic baseline, plus the territorial sea of our islands outside the 200 nautical miles. Klaro 'yun.”sabi ni retiradong Senior Associate Justice Antonio Carpio. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
