Hindi nagdalawang-isip sina Chito Miranda at Gab Chee Kee na tulungan ang isang ama na tumutugtog sa labas (busking) upang kumita ng pera para sa medical school fees ng kaniyang anak.
Sa Facebook, ibinahagi ng asawa ni Chito na si Neri Naig na naglalakad sina Chito at ang kanilang anak na si Miggy sa University of the Philippines Diliman nang makita nila ang ama na kumakanta sa harap ng publiko.
“Kaya tinawagan daw niya si Gab [Chee Kee] para tulungan ‘yung tatay,” an Neri. “Game naman si Gab, kaya pumunta sa UP Diliman agad.”
Sa video na ibinahagi ni Neri, makikitang magkasamang tumutugtog sina Chito at Gab ng hit song ng Parokya Ni Edgar na “Your Song.”
Sa hiwalay na post, sinabi ni Chito na hindi na nagtanong si Gab at agad na pumunta sa state university para tumulong sa amang nagba-busking.
“Walang tanong tanong, pumunta agad,” ani Chito na frontman ng Parokya Ni Edgar.
Hindi na bago sa Parokya ang pagtulong. Noong 2023, naospital si Gab dahil sa pneumonia na komplikasyon ng kaniyang lymphoma. Naglunsad ng fundraising ang Parokya ni Edgar at iba pang banda upang matulungan si Gab na mabayaran ang kaniyang gastusing medikal.
Isa sa mga na-auction na item para matulungan si Gab ay isang gitara na pirmado ng Eraserheads, na naibenta sa halagang P1.3 milyon.
Noong 2024, nagbahagi ang Parokya Ni Edgar ng larawan ng muling pagsasama-sama ng banda matapos ang ganap na paggaling ni Gab.
— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

