Hindi bababa sa apat ang sugatan nang bumigay ang bahay na pinagtutulungang ilipat ng mga residente ng isang barangay sa Midsalip, Zamboanga del Sur.
Ayon sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend, nagbayanihan ang mga residente ng Barangay Matalang na ilipat ang isang bahay.
Pero hindi pa sila nakalayo nang unti-unting tumagilid ang bahay. Bahagya pang nakausad ang mga nagbubuhat hanggang sa bumagsak ito nang tuluyan.
Agad nilang binuhat uli ang bahay para masagip ang mga nadaganan, at agad silang sinugod sa ospital.
Maayos na ang kundisyon ng iba habang patuloy pang ginagamot ang barangay captain, na nasugatan rin sa insidente, at isang kagawad.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, humingi ng tulong ang may-ari ng bahay na ilipat ito dahil gagamitin na raw ang lupa. — BM GMA Integrated News
