Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbuo ng isang crisis committee sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Nitong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, nauna nang iniutos ng Pangulo ang pagbuo ng naturang komite bago pa man may magmungkahing likhain ito.
''Okay bago pa po may nag-suggest na gumawa ng crisis committee, nag-utos na po ang Pangulo na maggawa officially ng crisis committee, so hintayin na lang po natin ang dokumento, pina-finalized na po,'' pahayag ni Castro sa press briefing.
Tumanggi si Castro na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa nasabing komite na isinasapinal pa. Aniya, tututok ito sa pagtugon sa magiging epekto ng krisis na dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan, na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga source oil industry, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng P16 hanggang P18 kada litro sa Martes. Habang ang gasolina naman ay maaaring tumaas ng P9 hanggang P11 kada litro.
Dahil dito, maaaring umabot na sa mahigit P120 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang gasolinahan.
Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng nationwide strike ang ilang grupo ng transportasyon upang himukin ang pamahalaan na tugunan ang kalagayan ng mga driver at operator na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sinimulan na rin ng pamahalaan ang pamamahagi ng cash assistance sa mga apektadong sektor, na nagsimula sa mga tricycle driver.— Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

