Maaari umanong sumipa ng hanggang P1,500 ang presyo ng isang 11-kilogram na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Abril, ayon sa LPG Marketers Association (LPGMA).
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, iniugnay ng grupo ang inaasahang pagtaas sa presyo ng LPG sa pagmahal ng shipping costs dulot ng limitadong pagdaan sa Strait of Hormuz, sanhi ng kaguluhan sa Middle East.
Sa kasalukuyan, nasa higit P825 hanggang mahigit P1,135 ang presyo ng isang tangke ng LPG sa Metro Manila.
Ayon sa LPGMA, inatasan ng Department of Energy (DOE) ang pribadong sektor na ipagpatuloy ang pagbili ng LPG anuman ang presyo upang mapanatili ang suplay sa bansa.
Una rito, sinabi ng DOE sa Senado na tatagal lamang ng humigit-kumulang 25 araw ang suplay o stock ng LPG sa bansa.
Ngunit sa isang panayam sa “Balitanghali” ngayong Huwebes, sinabi ng grupo na na-update na ang imbentaryo at maaari na itong tumagal ng 35 hanggang 40 araw.— Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA Integrated News
