Kukuwestiyonin ng kampo ni Jay Sonza ang pag-isyu ng non-bailable o walang piyansang warrant laban sa kaniya. Tinawag ito ng kaniyang abogado na "highly irregular" para sa bintang na “unlawful publication.”
Inaresto si Sonza Huwebes ng gabi sa Quezon City dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa abogado ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino, maliit lamang o minor na pagkakasala na may parusang arresto mayor o multa ang kasong ibinibintang sa kaniyang kliyente.
“Under prevailing rules and practice, this is ordinarily treated as a bailable offense, and in many instances, courts do not immediately issue a warrant of arrest but instead proceed by way of summons,” sabi ni Tolentino sa GMA News Online.
"Given this, the issuance of a non-bailable warrant is, with due respect, highly irregular and legally questionable," dagdag niya.
Sinabi ng abogado na maghahain sila ng mga naaangkop na mosyon para hamunin ang warrant sa Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 118, kabilang ang isang mosyon para bawiin o ipawalang-bisa ang warrant of arrest.
Hihingi rin sila ng paglilinaw sa wastong aplikasyon ng piyansa.
“We will also assert all available remedies to protect our client’s rights and ensure full compliance with due process,” aniya.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na naglabas ang RTC ng warrant of arrest laban kay Sonza dahil sa hindi tamang paggamit ng mga paraan ng paglalathala at mga ilegal na pahayag sa ilalim ng Artikulo 154 ng Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sinabi ng kampo ni Sonza na nakasaad sa warrant na "non-bailable" ito.
Nang hingan ng komento, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na kaugnay ng kasong ito, nasa korte na ang pasiya kung maaaring magpiyansa ang mga naarestong indibiduwal.
"We just enforce the warrant,” sabi ni Matibag.
Sinabi ng isa pang opisyal ng NBI na batay sa mga rekomendasyon ng tagausig o prosecutor ang pag-isyu ng warrant.-- Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ GMA News
