Inihayag ng Department of Health (DOH) na handa ang Pilipinas na magsagawa ng laboratory testing sa 38 Pilipinong crew members sa expedition vessel na MV Hondius kapag pinauwi sila sa Pilipinas. Sa harap ito ng patuloy na international monitoring kaugnay ng posibleng exposure sa hantavirus.

Sa panayam sa "Unang Balita" ngayong Miyerkules, sinabi ni DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo na may kakayahan ang bansa na makadetect ng hantavirus sa pamamagitan ng mga lokal na laboratoryo kung kinakailangan.

“Meron naman po tayong capabilities. Kaya natin mag-testing. Yan po yung PCR at iba pang mga paraan natin sa mga laboratoryo,” ani Domingo.

Ayon sa opisyal ng DOH, patuloy silang tumatanggap ng updates sa pamamagitan ng International Health Regulations system ng World Health Organization hinggil sa kalagayan ng mga Pinoy seafarer.

Sinabi ni Domingo na nananatiling walang sintomas ang lahat ng 38 crew members at kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na quarantine procedures sa loob ng barko.

“Yung ating 38 na kababayang Filipino seafarers ay okay naman po sila. Wala nga silang mga sintomas ng hantavirus at mga sakit nito,” anang opisyal.

“At sila po, nakabukod na. Hindi sila nakahalo. Mahigpit po ang quarantine procedures doon sa Hondius kaya hindi po sila nakahawa,” dagdag niya.

Nauna nang natukoy ng WHO ang nasa 80 katao na maaaring na-expose sa hantavirus matapos umanong bumiyahe sakay ng eroplano ang isang pasaherong konektado sa barko. Hindi muna pinayagang bumaba sa Cabo Verde ang mga pasahero mula sa barko.

Sinabi ni Domingo na pinagpapasyahan pa ng operator ng barko kung saan dadaan o dadaong ang Hondius, at kabilang ang Spain sa mga posibleng destinasyon.

ALAMIN: Ano ang hantavirus na hinihinalang sanhi ng pagkamatay ng 3 tao sa isang cruise ship?

Ipinaalala rin ng opisyal ng DOH sa publiko na ang hantavirus ay karaniwang naiuugnay sa exposure sa ihi at dumi ng infected na daga.

“Daga yung pinaka-vector na pinanggagalingan niya. Yung ihi at dumi nitong daga nito,” ani Domingo.

Hinimok niya ang publiko na panatilihin ang wastong kalinisan at mag-ingat sa paglilinis ng mga lugar na kontaminado ng daga.

Dagdag pa ni Domingo, maaaring kabilang sa mga sintomas ng hantavirus ang lagnat, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, at mga problema sa paghinga, bagama’t hindi ito eksklusibo sa nasabing sakit.

“Hindi siya specific sa hantavirus. Kaya importante dito yung medical history of exposure,” paalala pa ng opisyal.

Nauna nang sinabi ng DOH na wala pang naitatala na kumpirmadong kaso ng hantavirus sa Pilipinas ngayong taon. — Sherylin Untalan/FRJ GMA News