Kahit 12 lang sa halip na 13 ang physically present na senador sa sesyon sa Senado nitong Miyerkoles, idineklara pa rin ang quorum, at isinagawa ang pagbabalasa ng liderato at mga posisyon. Ano nga ba ang basehan ng pagtakda ng quorum na ito na mayroon lamang 12 senador? Alamin.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing batay sa Rule XV Section 44 ng Senate Rules, nangangailangan na may mayorya ng mga senador na present o naroon sa session hall para makapagsagawa ng opisyal na Senate business.
Dahil 24 ang mga senador, kailangan ng 13 senador para magkaroon ng quorum.
Gayunman, ipinunto ng bagong mayorya na nakasalig ang kanilang desisyon na ideklara ang quorum kahit 12 lang ang senador sa kasong “Avelino v. Cuenco” na umabot sa Korte Suprema noong 1949.
Ayon sa kasong ito, kinilala ng Korte Suprema na hindi na 24 na mga senador ang dapat gawing basehan ng quorum, kundi sa mga miyembrong may legal na kakayahang gawin ang tungkulin sa Senado.
Naging basehan din ng bagong majority bloc ang Senate session noong Mayo 5, 2015, na may 12 senador lamang ang pisikal na naroon dahil apat ang nasa abroad at tatlo ang nakakulong.
Dahil dito, 17 lang ang “available” na mga senador sa naturang usapin.
Sa pagiging present ng 12 senador, idineklara ng Chairman na may quorum.
Samantala, sinabi ng bagong mayorya na dahil sa pagkakabilanggo ni Senator Jinggoy Estrada at pagtatago ni Senator Bato Dela Rosa, 22 na lang ang aktibong makasasali na senador sa plenaryo, sa halip na 24.
“The quorum of 12 senators is based on the majority of 22 senators,” sabi ni Senator Sherwin Gatchalian.
Batay sa panayam ng GMA News Online kay National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) president Ephraim Cortez, may basehan ang pagdedeklara ng quorum ng bagong majority bloc.
"They only need a majority to have a quorum and to conduct business. With the arrest of Senator Estrada and while Senator Dela Rosa is in hiding, they are not counted in the determination of the quorum," sabi ni Cortez.
Depensa ni Senator Alan Peter Cayetano, batay sa Konstitusyon, puwede lang mag-conduct ng business ang Senado kung naroon ang mayorya.
Iginiit niya na 13 senador ang kailangan para ihalal ang Senate President at Senate President Pro Tempore.
"This is an illegal coup d'état na may kasamang pagbabasura ng ating Konstitusyon. I warned everyone about this from day one... Sa ating Konstitusyon, sa ating Rules of the Senate, kailangan pong trese. 'Di po kami nagpipilit sa kapangyarihan. I can go as Senate President even as Senator anytime," ani Cayetano.
Pero sa joint statement ng bagong mayorya, kinlaro nila na hindi na opisyal na Senate President si Cayetano.
Hindi pa lamang opisyal na maihalal si Gatchalian sa posisyon dahil kailangan ng 13 na boto, na siyang itinatakda sa Konstitusyon.
"(Pero ito) ang malinaw at mahalaga ngayon: bakante na ang lahat ng posisyon, tapos na ang dating liderato at dapat magpatuloy ang trabaho ng Senado para sa taumbayan," sabi ng new Senate majority bloc. – Jamil Santos/FRJ GMA News
