Hindi bababa sa 21 katao, kabilang ang 12 dayuhan, ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang hotel sa Delhi nitong Miyerkules, ayon sa pulisya. Isa ito sa pinakamalalang insidente ng sunog sa kabisera ng India mula noong 2022.
Sa pahayag ng pulisya, hindi binanggit ang mga nasyonalidad ng mga dayuhang nasawi. Pero nauna nang iniulat ng CNN-News18 na kabilang umano sa mga biktima ang mga nasyonalidad mula sa Bangladesh, Nigeria, Mozambique, at Liberia.
Hindi agad nakumpirma ng Reuters ang mga nasyonalidad ng mga biktima.
Ayon sa mga saksi, ilang tao ang tumalon mula sa nasusunog na gusali sa Malviya Nagar, South Delhi, upang makatakas sa apoy. Samantala, nagdala naman ang mga residente ng mga kutson mula sa kalapit na tindahan upang subukang saluhin ang mga tumatalon.
"People spread mattresses, and a woman from the third floor jumped on it with a little kid," ayon sa saksing si Sher Khan.
Makikita sa mga kuha ng telebisyon ang dalawang tao na tumatalon mula sa mataas na bahagi ng gusali habang nilalamon ito ng apoy at makapal na usok.
Ayon sa mga residente na tumulong sa paunang pagresponde, nagsimula ang sunog sa unang dalawang palapag ng apat na palapag na gusali, dahilan upang ma-trap ang mga nasa mas matataas na palapag.
"There is a mattress shop here... We took the mattresses from there and laid them on the road to help those who were jumping out of the building," sabi ni Wasim Raja sa news agency ANI.
Nagsimula ang sunog ilang minuto bago mag-9:00 ng umaga (lokal na oras), at agad na ipinadala ang walong fire truck upang apulahin ang apoy, ayon sa pulisya.
Tuluyang naapula ang sunog bandang tanghali, ayon sa isang saksi ng Reuters.
Sinabi ng pulisya na sa pamamagitan ng magkakatuwang na aksyon ng mga pulis, bumbero, at iba pang emergency responders, kabuuang 49 katao ang naisugod sa iba't ibang ospital. Walo sa mga nasugatan ang nakalabas na matapos mabigyan ng lunas.
"It is with profound sorrow that 21 persons have been declared dead in this tragic incident," saad nito.
Ayon naman sa tagapagsalita ng state-run na All India Institute of Medical Sciences, 13 pasyente ang dinala sa kanilang ospital at dalawa sa mga ito ang nasa kritikal na kondisyon.
Sinabi ni lokal na opisyal na si Jitendra Kumar na may restawran umano sa ground floor ng gusali na posibleng pinagmulan ng apoy.
"There was reportedly a restaurant operating on the ground floor of the building... it is most likely that the fire was connected to that restaurant," ayon sa local administration official na si Jitendra Kumar.
Nagsampa na ng kaso ang mga awtoridad at nagpapatuloy ang imbestigasyon. Ayon sa pulisya, pansamantalang isinailalim sa kustodiya ang may-ari ng gusali na si Lavkesh Bajaj.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Narendra Modi sa mga pamilya ng mga nasawi sa isang post sa X.
"Authorities are providing all possible assistance to those affected," saad niya. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
